CPP-NPA CAMP NAKUBKOB, MGA ARMAS NASAMSAM

SURIGAO DEL NORTE – Nakubkob ng mga tauhan ng 30th Infantry (Fight On) Battalion ng Philippine Army ang pinagkukutaan ng mga teroristang New People’s Army (NPA) kasunod ng ilang minutong bakbakan sa liblib na lugar sakop ng Barangay Pungtod sa bayan ng Bacuag sa lalawigang ito, noong Linggo ng umaga.

Ayon sa ulat, bandang alas-6:45 ng umaga nang masabat ng 30th Infantry Battalion ang mga armadong kasapi ng communist terrorist group habang nagsasagawa ng combat security patrol matapos na makatangap ng sumbong hinggil sa presensya umano ng teroristang grupo ng NPA na nananakot at sapilitang nanghihingi ng pagkain sa mamamayan sa nasabing lugar .

Sinasabing biglang pinaputukan ng mga NPA na nagkukuta sa area, ang mga sundalo kaya nagkaroon ng matinding sagupaan na tumagal ng kalahating oras.

Pinaniniwalaan na mula sa Sandatahang Yunit Pampropaganda (SYP) 16C2 at 16C1 ng Guerilla Front 16, Northeastern Mindanao Regional Party Committee (NEMRC) na pinamumunuan nina Alberto Castañeda @ JD at Roel Neniel @ Jacob, ang grupo ng NPA na nakasagupa ng mga tropa ng pamahalaan, ngunit umatras nang sila ay makubkob.

Nasamsam ng mga awtoridad ang isang cal 5.56mm AR15 rifle, isang M203 grenade launcher, 30 pirasong mga bala ng AK47 rifle, 20 pirasong mga bala ng M16 rifle, isang detonating device para sa ilegal na pampasabog o improvised explosive device (IED), subersibong mga dokumento at personal na mga kagamitan ng mga rebelde.

Kung matatandaan, kaparehong grupo ng teroristang NPA ang nakasagupa rin ng mga sundalo ng pamahalaan sa karatig na lugar sa Brgy. Payapag, Bacuag, Surigao del Norte noong ika-28 ng Abril 2022 kung saan nakuhaan din ang NPA ng iba’t ibang mga kagamitang personal at pandigma.

Muling nagpahayag si Lt. Col. Ryan Charles Callanta, ang pinuno ng 30IB, ng kanyang pasasalamat sa mamamayan na tumutulong sa pagbibigay ng mga impormasyon tungkol sa kinaroroonan ng mga teroristang NPA.

“Nagpapasalamat po ako sa tiwala at suporta ng mga mamamayan sa walang humpay na pagbibigay ng mga impormasyon na kadahilanan upang palagi nating matunton ang grupo ng mga teroristang NPA kahit saan pa sila magtago sa ano mang lugar dito sa Surigao del Norte.” (JESSE KABEL)

81

Related posts

Leave a Comment