Crime of passion? SUNDALO PATAY SA KABARO

‘CRIME of passion’ ang isa sa mga anggulong sinisilip ng Tagum City PNP homicide probers sa pananambang ng isang sundalo sa kapwa niya sundalo noong nakalipas na linggo sa nasabing siyudad.

Dead on arrival sa pagamutan ang  sundalong  si Jayson Cawayan,  residente ng  Montevista, Davao de Oro  matapos barilin ng kapwa sundalo habang sakay ng kanyang motorsiklo.

Lumitaw sa imbestigasyon, sakay ng motorsiklo ang 34-anyos na biktima at backride nito ang isang hindi muna kinilalang babae, nang biglang pagbabarilin ng suspek na lulan din ng motorsiklo pagsapit sa bisinidad ng Purok Santol, Barangay La Filipina bandang alas 9:30 ng gabi.

Ayon kay Acting Tagum City Police chief, Lt. Col. Jeffrey Latayada, naitakbo pa sa pagamutan ang biktima na miyembro ng Philippine Army 10th Infantry Division, subalit idineklarang dead on arrival sanhi ng mga tama ng punglo.

Sinasabing nakita at namukhaan ng babaeng kasama ng biktima ang suspek na kinilalang si Cpl. Reibong Medalla kaya agad na nahuli ito sa isinagawang hot pursuit operation ng mga awtoridad.

Hindi naman nasugatan ang angkas na babae ng biktima sa insidente.

Nahaharap ang suspek sa kasong murder habang nagpapatuloy pa rin ang pagsisiyasat sa insidente. (JESSE KABEL RUIZ)

115

Related posts

Leave a Comment