NAGPAABOT ng pasasalamat ang Rizal PNP sa presidente ng Apex Mining Corporation sa pag-iisponsor sa dalawang palapag na gusali na magsisilbing custodial facility sa Tanay, Rizal.
Ang custodial facility ay pinondohan ng kumpanya na pinamumunuan ni Dr. Walter W. Brown sa pakikipagtulungan ng PNP at lokal na pamahalaan ng Tanay.
Ang lokal na pamahalaan ang nagkaloob ng lugar habang ang gusali at ilang kagamitan nito ay pinondohan ni Dr. Brown at ng PNP.
Ayon kay Rizal Provincial Director PCOL Dominic L. Baccay, malaki ang maitutulong ng 2 storey building lalo pa’t masikip ang kasalukuyang facility ng Tanay MPS.
Todo rin ang pasasalamat ni Tanay Municipal Police Station Chief PLTCOL Santiago II sa pagkakagawa ng nasabing pasilidad.
Si Dr. Brown ay personal na dumalo sa inagurasyon ng custodial facility noong Biyernes na pinangunahan ni PCOL Baccay, PLTCOL Santiago II, Vice Mayor Rex Manuel Tanjuatco at iba pang personalidad mula sa lokal na pamahalaan ng Tanay.
Kasunod nito ang pag-turnover ni PCol. Baccay kay PLCol. Santiago ng apat na organic long firearms, mga bala at motorsiklo.
Bahagi ito ng PNP Capability Enhancement Program FY 2022 para mapalakas ang kakayahan ng himpilan sa pagtugon sa pangangailangan ng mamamayan at pagtugon sa mandato nito na “to serve and protect”. (KNOTS ALFORTE)
