HINDI confidential funds ang kailangan ng Department of Information and Communication Technology (DICT) kundi karagdagang tauhan upang mapigil ang cyber attacks sa mga ahensya ng gobyerno tulad ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth).
Ito ang iginiit ni House Deputy Minority Leader, Rep. France Castro, dahil sa kabila ng P1.2 billion na confidential funds na ibinigay sa ahensya noong 2019 at 2020 ay patuloy pa rin ang pag-atake ng scammers at hackers.
“The DICT itself said that about 3,000 cyberattacks were monitored in the country from 2020 to 2022 alone. Almost half of them are targeted against the systems and networks of the government,” ayon sa mambabatas.
Dahil dito, kailangan aniya ng DICT ang karagdagang tao at hindi confidential funds dahil lumalabas na kahit napakalaki ang pondong ibinigay sa nasabing ahensya ay bigo pa rin sila sa kampanya laban sa scammers at hackers.
Nabatid na noong 2019, binigyan ng P400 million confidential funds ang DICT, at P800 million sa sumunod na taon, ngunit humihirit ang mga ito ng P300 million para sa kanilang operasyon sa 2024.
“If the DICT is saying that they are undermanned to check or safeguard Philippine cyberspace then they should hire more personnel rather than ask for the untransparent confidential fund,” ani Castro.
Hindi sinabi ng mambabatas kung ilan ang tauhan ng DICT na nagbabantay sa scammers at hackers subalit ito aniya ang dapat dagdagan at pondohan ng gobyerno at hindi ang confidential funds.
Sa katunayan aniya, mismong si dating DICT Secretary ret. Gen. Eliseo Rio Jr., na noo’y undersecretary sa ilalim ni dating Secretary Gringo Honasan, ay kinuwestiyon ang P400 million confidential funds noong 2019 na inilagay ng huli sa ahensya noong senador ito subalit imbes na tanggalin o bawasan ay itinaas pa ito sa P800 million noong 2020.
Dahil dito, nag-resign si Rio dahil wala aniya sa mandato ng DICT na magsagawa ng surveillance at intelligence activities.
“Huwag nang bigyan ng confidential funds ang DICT, mas kailangan nila ng personnel at gamit para protektahan ang cyberspace ng Pilipinas at ‘di ang maniktik,” ayon pa kay Castro.
(BERNARD TAGUINOD)
189