ISANG 22-anyos na dalaga ang napigilan sa pagtalon mula sa ika-6 palapag ng isang gusali sa Alvarado Street, Binondo, Manila.
Kinilala ang biktimang si alyas “Gina”, dalaga , helper ng Alvarado Street, Binondo.
Batay sa ulat ni Police Lieutenant Colonel Rex Layug, commander ng Manila Police District-Meisic Police Station 11, bandang alas-8:00 ng umaga nang magkaroon ng tensyon sa lugar at pigil-hininga ang mga “Marites” at “Tolits” sa pag-aabang sa posibleng mangyari.
Ilang concerned citizen ang nag-report sa tanggapan ng Police Station 11 na nakipag-coordinate naman sa Manila Fire Department ng Bureau of Fire Protection.
Agad nagresponde ang mga tauhan ng fire department dakong 9:10 ng umaga sa pangunguna nina Senior Fire Officer 2 Villaluz at Fire Officer 2 Timi-Ling, na gumamit ng harness para makipagnegosasyon sa dalaga.
Gayunman, desidido ang biktima na magpakamatay habang nakaupo ito sa gutter.
Habang kinukumbinsing huwag tumalon, bigla na lamang itong dinamba ng mga awtoridad at nailigtas sa kapahamakan
Ang dalaga ay isinailalim sa psychiatrist examination upang mabatid kung bakit nito gustong kitilin ang sariling buhay. (RENE CRISOSTOMO)
341