CEBU CITY – Natagpuan ang mga awtoridad ang wala nang buhay na 19-anyos na dalaga na unang iniulat na nawawala noong Linggo ng umaga sa lungsod.
Ayon sa report ng Cebu City Police, nadiskubre ang katawan ni Niña Fuentes Arpon sa karagatang bahagi ng Mactan Channel, malapit sa Shell Island sa Cebu City noong Martes, Peb. 27, o dalawang araw matapos itong mawala.
Ang bangkay ni Arpon ay narekober ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) matapos itong i-report ng mga unang nakakita sa labi na mga kalalakihang naliligo sa may bahagi ng pantalan ng Shell Island.
Positibong itong kinilala ng kanyang mga kaanak sa pamamagitan ng suot nitong polo shirt at itim na wristband sa kanyang braso na suot nang ito ay mawala.
Si Arpon na isang college student sa Cebu Technological University sa Consolacion (CTU-Consolacion), ay huling nakitang naglalakad sa Marcelo Fernan Bridge sa Lapu-Lapu City pasado hatinggabi noong Sabado, batay sa CCTV footage na ibinahagi ng mga concerned citizen.
Natagpuan sa tulay ang kanyang bag at nasa loob pa ang kanyang school ID at cellphone, ngunit walang bakas kung saan napunta ang dalaga.
Samantala, ayon sa dalawang kaibigang babae ni Arpon, huling nakasama nila ang biktima noong Sabado ng gabi at nagmeryenda pa sila sa isang tea house sa Carbon Market.
Ibinaba nila si Arpon sa isang mall sa Mandaue City bago sila umuwi.
Pero ayon sa dalawa, bagama’t noon pa man ay may nabanggit sa kanila si Arpon na may problema ito hinggil sa tampuhan sa kanilang pamilya ngunit hindi ito kailanman nagpahiwatig na tatapusin ang kanyang buhay na siyang hinala ng marami na ginawa ng dalaga.
Inaalam pa ng mga awtoridad kung ano ang totoong nangyari sa dalaga at isasailalim sa pagsusuri ng SOCO ang labi para malaman ang sanhi ng pagkamatay nito.
(NILOU DEL CARMEN)
111