HALINHINAN umanong ginahasa ng dalawang lalaking lango sa marijuana at alak ang isang dalagang kanilang kainuman sa Tondo, Manila.
Ayon sa ulat, nagpasaklolo ang ama ng biktima sa tanggapan ng National Bureau of Investigation – Anti-Organized and Transnational Crime Division (NBI-AOTCD) at sa inilatag na hot pursuit operation ay natimbog ang dalawang suspek na kinilalang sina Mervin Tamayo at Miguel Agno, kapwa nasa hustong gulang.
Ayon sa ulat na nakarating kay NBI Director Medardo De Lemos, noong Setyembre 14, 2023, nagtungo ang biktima, kasama ang kanyang ama, sa NBI-AOTCD, upang maghain ng kaso laban sa dalawang suspek.
Una rito, bandang alas-4:00 ng madaling araw ng noong Setyembre 13, nakipag-inuman umano ang biktima sa kanyang mga kaibigan.
Ilang saglit pa lamang umano ang nakararaan nang dumating ang dalawang lalaki at nakisalo sa inuman. Hanggang sa nag-uwian na ang iba at naiwan silang tatlo
Nang malasing ang dalaga, sinimulan na umano itong hawakan ng mga suspek sa maseselang bahagi ng katawan.
Bagama’t pumapalag ang biktima ay wala itong nagawa dahil sa kalasingan hanggang sa tuluyan siyang hinalay ng mga suspek.
Sa isinagawang medical examination ay nakumpirmang ginahasa ang biktima.
Ang dalawang suspek ay sinampahan ng kasong rape sa ilalim ng Article A ng Revised Penal Code as amended by Republic Act 8353, at paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
(RENE CRISOSTOMO)
