DALAGA TIMBOG SA FB, GCASH SCAM

CAVITE – Arestado ang isang dalaga makaraang makagoyo ng halagang P14,500 mula sa pekeng Facebook at GCash account na kanyang nilikha, sa bayan ng Silang sa lalawigang ito, noong Sabado ng umaga.

Kinilala ang suspek na si alyas “Allyn”, inaresto dahil sa reklamo ng biktimang si alyas “Catherine”.

Ayon sa ulat ni Police Staff Master Sergeant Glen Soriano ng Silang Police Station, nag-message ang ‘tiyuhin’ ng biktima sa pamamagitan ng Facebook account at humingi ng halagang P14,500 sa pamamagitan ng GCash account.

Matapos na ipadala ng biktima sa ‘tiyuhin’ ang nasabing halaga, tinawagan nito ang huli at inalam kung natanggap na niya ang ipinadalang pera.

Sa puntong, nalaman ng biktima hindi humingi ng pera ang kanyang tiyuhin at hindi sa kanya ang nag-message na FB account at ang GCash account na pinadalhan nito ng pera.

Bunsod nito, sa pamamagitan ng nasabing FB account ay tinunton ng mga awtoridad ang suspek na agad nadakip.

Nahaharap ang suspek sa kasong estafa.

(SIGFRED ADSUARA)

141

Related posts

Leave a Comment