DALAGITA NATAGPUANG PATAY SA ILALIM NG TULAY

patay

CAVITE – Nagsasagawa ng malalimang imbestigasyon ang Cavite Police upang matukoy at maaresto ang mga suspek sa pagpatay sa isang 16-anyos na dalagita na natagpuang patay sa ilalim ng tulay sa Trece Martires City sa lalawigang ito, noong Lunes ng umaga.

Apat na mga kalalakihan ang ‘persons of interest’ ng pulisya sa pagkamatay ng biktimang si “Angel”, isang Grade 9 student, at residente ng Trece Martires City.

“Yung apat na menor de edad na naunang persons of interest ay pinakawalan na namin dahil wala namang maiuugnay sa kanila, pero meron kaming apat na bagong mga persons of interest na mga kalalakihan,” ayon kay Lt. Col. Jonathan Asnan, hepe ng Trece Martirez CPS.

Dagdag pa ng hepe, nag-iinuman umano ang mga ito noong Linggo ng gabi at umaga na nang umuwi. Hindi na nakikita ang mga ito na pawang sinasabing mga dayong obrero.

Ayon sa ulat ng pulisya, alas-10:35 noong Lunes ng umaga nang makatanggap ng tawag ang pulisya hinggil sa isang bangkay na natagpuan  sa Forever bridge sa Package 2, Sunshine Ville Subdivision, Brgy. Cabuco, Trece Martires City, na may sugat sa ulo at leeg.

Ayon sa ama ng biktima, umalis si Angel dakong alas-10:00 ng gabi noong Linggo upang katagpuin ang mga kaibigan ngunit hindi na nakabalik hanggang sa natagpuan itong bangkay kinabukasan.

Nagsasagawa na ng autopsy at genital examination sa biktima upang mabatid kung ito ay ginahasa. (SIGFRED ADSUARA)

102

Related posts

Leave a Comment