DATING PULIS TIMBOG SA PAWNSHOP ROBBERY

NAARESTO na ng Quezon City Police District ang suspek sa magkasunod na pawnshop robbery sa lungsod ng Quezon.

Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) Director, PBGen. Antonio C. Yarra, ang suspek na si ex-Patrolman Dennis Marucut, nakatalaga sa Police Regional Office 3 bago ito natanggal sa serbisyo noong isang taon matapos mag-Absent Without Official Leave (AWOL).

Ayon sa ulat, pasado alas-9:05 ng umaga (November 9) nang unang holdapin ng suspek ang Palawan Express branch sa No. 162 Roosevelt Ave. corner Del Monte, Brgy. Del Monte, Q.C. kung saan mahigit P20,000 ang nakuha nito.

Inilarawan ng empleyado ng nasabing pawnshop na ang nangholdap sa kanila ay nakasuot ng PNP New Pixelized Uniform, 5’6 ang taas, nakasuot ng puting gloves at sakay ng asul, gray na Yamaha Aerox. Positibo ring kinilala ng tellers ang suspek mula sa ipinakitang larawan ng QCPD Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) na tumutugma sa kuha ng CCTV.

Nadakip si Marucut, alas-10:00 ng umaga (November 11) sa McArthur Highway, Apalit, Pampanga at nakumpiska sa kanya ang isang Honda Beat motorcycle, granada at Llama pistol caliber .9MM.

Inaalam pa ng pulisya kung ang nasabing suspek ang siya rin responsable sa panghoholdap sa M Lhuillier branch sa Tandang Sora Ave., Brgy. Tandang Sora, Q.C. kamakailan.

Nakapiit na ang suspek at nahaharap sa kasong paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, RA 9516 o Codifying The Laws On Illegal/Unlawful Possession, Manufacture, Dealing In, Acquisition or Disposition of Firearms, Ammunition or Explosives at Robbery. (LILY REYES)

99

Related posts

Leave a Comment