CAVITE – Isang dating sexy aktor noong taong 2000 at tatlong kasamahan nito ang naaresto sa isinagawang buy-bust operation na nagresulta sa pagkakabuwag sa isang hinihinalang drug den sa Bacoor City sa lalawigang ito, noong Martes ng gabi.
Kinilala ang mga naaresto na sina Ronald Poblete y Avecilla, 44; Higinio Achapero y Yonga-an, 57; Rommel Catap y Robles, 41, at Noel De Guzman, y Villarente, 60-anyos.
Si Poblete ay nakilala sa kanyang screen name na Raffy Anido na lumabas sa ilang pelikula tulad ng Saranggani (2000); Blondie 2 (2001); Halik sa aking Lupa (2002); Kirot sa Dibdib (2004); Green Paradise (2007) at iba pa at naging contestant din sa Family Feud noong 2022.
Ayon ulat, dakong alas-7:50 ng gabi nang nagsagawa ng buy-bust operation ang mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Cavite Provincial Office; Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Bacoor City Police, at Police Provincial Office (PPO)-Police Intelligence Unit (PIU), sa bahay ni Archapero sa Brgy. Molino 7, Bacoor City, Cavite na umano’y ginawang drug den na nagresulta sa pagkakaaresto sa apat.
Nakuha sa lugar ang tinatayang 15 gramo ng hinihinalang shabu na may street value na P103,500, iba’t ibang drug paraphernalias, buy-bust money at cellular phone.
Sinasabing sina Poblete at Catap ay magkumpare at bumisita lamang umano sa bahay ni Achapero nang isinagawa ang buy-bust operation habang si De Guzman ay nangungupahan sa compound na target ng operasyon.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa paglabag sa Art. II ng RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002). SIGFRED ADSUARA
