DEATH TOLL KAY PAENG, 154 NA

patay

UMAKYAT na sa 154 ang napaulat na namatay sa pananalasa ng Bagyong Paeng sa mahigit 50 lalawigan, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Sa inilabas na datos ng NDRRMC nitong Biyernes ng umaga, pinakamarami sa napaulat na namatay ay mula sa BARMM na nasa 63 katao.

Tatlumpu’t tatlo rito ay sa Region 6 at Calabarzon, lima sa Region 8, tig-apat sa Region 9, at Region 12, tatlo sa MIMAROPA, tig-dalawa sa Region 2, Region 3, Region 5, Region 7, at isa sa Cordillera Administrative Region (CAR).

Sa nasabing bilang, 101 ang kumpirmadong namatay na may kinalaman sa bagyo habang 53 ang itinalang ‘for validation’ pa, ayon pa sa nasabing ahensiya.

Bukod dito, may napaulat din na 128 nasaktan at 35 nawawala dahil sa Bagyong Paeng na pinangangambahang mapabilang sa casualties.

Ito ay makaraang ihayag ng mga awtoridad na malabo nang may makuha pang buhay sa sinasabing mga nawawala na natabunan bunsod ng nangyaring landslides o tinangay ng flash floods.

Dahilan upang ihinto na ng Bangsamoro government ang search and rescue operations sa mga barangay na lubhang hinagupit ng Bagyong Paeng matapos ideklara na malabo nang makapag-retrieve pa ng survivors.

Sa pahayag ni Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) Ministry of Interior and Local Government Minister Naguib Sinarimbo, kanilang napagdesisyunan na itigil na ang search, rescue  and retrieval operations dahil halos isang linggo na itong isinagawa at ang tsansa na makapagrekober ng survivors ay malabo na.

Kaugnay nito, inirerekomenda ni 6th ID Commander MGen. Roy Gallido na demobilized na ang itinayong Incident Command Post sa Barangay Kusiong.

Samantala, mananatili naman ang mga naka-deploy na heavy equipment sa area para maisaayos ang lugar at gumawa ng pathway kung saan pwedeng dumaan ang tubig-ulan at hindi mag-over flow.

Ayon pa kay Sinarimbo, kasalukuyang nakapokus sila ngayon sa relief and clearing operations.

Iniulat din ni Sinarimbo na nakapokus ang kanilang clearing operations sa tinaguriang critical bridges at mga daan na may nangyaring landslides. (JESSE KABEL)

26

Related posts

Leave a Comment