DEBRIS NG CESSNA PLANE, MGA PASAHERO NATAGPUAN NA

NATAGPUAN na ng search and rescue (SAR) team ang kinaroroonan ng mga labi ng apat na sakay ng bumagsak na Cessna plane sa Albay.

Ayon sa Albay Provincial Information Office, narating na nitong Miyerkoles ng gabi ng 28-man rescue team ang binagsakan ng Cessna 340A sa taas na 6,500 feet above sea level malapit sa crater ng Mayon Volcano.

Kinumpirma rin ni Incident Commander Camalig Mayor Irwin Baldo Jr., na nag-reclassify na sila mula sa search and rescue patungo sa retrieval operations.

Ito ay matapos makumpirma sa ipinadalang mga litrato ng mga rescuer na pawang namatay ang mga sakay nito na sina Capt. Rufino James T. Crisostomo Jr., siyang piloto, ang flight mechanic na si Joel Martin, at dalawang Australian passengers na sina Simon Chipperfield, and Karthi Santhanan.

Nitong Huwebes ng umaga, nagsagawa ng briefing ang team kasama ang APSEMO, CAAP, EDC, TOG5, OCD, PNP, at BFP para planuhin ang pagkuha at pagbaba sa mga labi ng mga biktima.

Samantala, sinabi ni Albay Public Safety and Emergency Management Office (APSEMO) Head Dr. Daep, magpapadala pa  sila ng karagdagang isa pang batch ng responders upang i-back up ang 28-man team na unang nakarating  sa crash site kamakalawa para tapusin ang misyon.

Kinumpirma rin ni Daep na naimpormahan na sa status ng retrieval operation ang mga pamilya ng mga sakay kabilang ang pamilya ng dalawang Australian nationals.

Ayon sa Albay PIO, ipagpapatuloy ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang masusing pagsisiyasat sa pagbagsak ng Cessna plane at ang dokumentasyon at karagdagang imbestigasyon sa Cessna wreckage ay nananatiling bahagi ng misyon ng composite team.

Ayon pa kay Daep, ipinaalam na sa kanila ng mga awtoridad ang inisyal na resulta ng imbestigasyon sa mga posibleng dahilan ng insidente.

Gayunpaman, ang CAAP Investigating Team at ang  grupo ng mga eksperto mula sa Energy Development Corporation (EDC), kung saan konektado ang mga biktima, ay nagsasagawa pa rin ng pangangalap ng mga ebidensya, kabilang ang ilang dokumentasyon sa wreckage ng eroplano para matukoy ang eksaktong dahilan ng deadly crash.

Ipinahayag din ni Daep na dahil sa ilang mga sensitibong isyu, limitado pa sa ngayon ang kanilang kakayahan na magbigay ng iba pang impormasyon habang isinasagawa ang imbestigasyon.

Ito aniya ay upang maiwasang madagdagan ang mga pinagdaraanan ng mga pamilya ng mga pasahero ng Cessna plane.

Samantala, nagpaabot na rin ng pakikiramay si Energy Development Corporation (EDC) President and CEO Richard Tantoco sa pamilya ng apat na mga sakay ng bumagsak na Cessna plane.

Napag-alaman na ang nasawing piloto at ang mekaniko ay kapwa empleyado ng EDC.

Si Chipperfield ay advisor ng kompanya at consultant naman si Santhanan. (NILOU DEL CARMEN)

41

Related posts

Leave a Comment