DILG, PNP kinalampag ng mga residente POLITIKO SA OR MINDORO KALADKAD SA JUETENG

(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)

KINALAMPAG ng mga residente mula sa lalawigan ng Oriental Mindoro ang Department of Interior and Local Government (DILG) kaugnay ng di umano’y laganap at hayagang operasyon ng jueteng na binibigyang proteksyon ng prominenteng politiko.

Partikular na tinukoy ng mga residente ang jueteng operation ng isang alyas Mañalac na pagmamay-ari umano ng kumpanyang Globaltech Mobile Online Corp. Anila, ginagamit na front ng naturang grupo ang prangkisa ng Peryahan ng Bayan (PnB) na una nang sinuspinde ng Palasyo. Bukod dito, nakatago rin umano ang operasyon ng jueteng sa Palarong Bayan.

Pagtatapat pa nila, ginagamit lamang ng nasabing grupong pinamumunuan ni Mañalac ang kanseladong prangkisa sa lantarang jueteng operations.

Hamon naman ng mga residente kay DILG Secretary Benjamin Abalos Jr. at DILG Undersecretary for Barangay Affairs Felicito “Chito” Valmocina, kasuhan ang protektor na politiko.

“Dapat sampahan ng kasong administratibo ang mga protektor na mga government officials dahil sa posibleng pangungunsinti ng mga ito na mag-operate ng illegal number games ang Globaltech ni alyas Mañalac sa mga nabanggit na bayan sa Oriental Mindoro,” saad sa isang bahagi ng liham ng mga nagrereklamo.

“Malinaw naman ang polisiya ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na walang puwang ang mga sugalan na sumisira sa pamilyang Pilipino,” dagdag pa ng mga residente.

Kasabay nito, binalaan din ni Philippine National Police chief General Rodolfo Azurin ang mga unipormadong kawani ng PNP matapos makatanggap ng ulat hinggil naman sa pagtanggap ng lingguhang suhol kapalit ng pagbubulag-bulagan sa jueteng operation ni Mañalac – sa bisa ng “basbas” ng isang prominenteng politiko sa naturang lalawigan.

Babala ni Azurin, hindi umano siya magdadalawang isip na sibakin ang sinomang pulis na mapatutunayang sangkot o protektor ng ilegal na palaro ni Mañalac sa kanilang nasasakupan. Katunayan aniya, kasado na rin ang isang malalimang imbestigasyong naglalayon tukuyin ang mga tiwali sa hanay ng PNP.

“Aalamin natin kung sino-sino ang nakikinabang at kung paano nakakalusot ang naturang aktibidad. Paalala lang sa ating mga kapulisan, seryoso po ang PNP sa ating one-strike policy,” sambit ni Azurin.

Tugon naman ng mga residente ng Oriental Mindoro kay Azurin – seryosohin ang banta sa mga tiwaling opisyales ng kapulisan sa nabanggit na lalawigan.

“Kung sinsero ang hepe ng pambansang pulisya sa kanyang banta malamang marami ang matatanggal partikular na ang mga matataas na opisyales ng pulisya sa Oriental Mindoro,” sabay tukoy kina PNP Mimaropa regional director Brig. Gen. Sidney Hernia at Oriental Mindoro Provincial Director Samuel Dolorino – base na rin sa alegasyon ng isang Ka Macario mula sa lungsod ng Calapan ng nabanggit na lalawigan.

“Hindi po kami tanga, kung kami po na mga ordinaryong mamamayan ay alam namin na ilegal ang operasyon ng Global Tech, imposibleng hindi po ito alam nina Gov. Dolor, General Hernia, Col Dolorino at ng mga Mayor,” patutsada sa liham na may kalakip ng resulta ng ilegal na palaro ng jueteng – 17-4 (umaga) at 10-25 (hapon) noong Setyembre 28, habang 10-14 at 7-12 naman para sa sumunod na araw.

Kabilang naman sa mga tinukoy na lokalidad kung saan talamak ang pagpapataya ng jueteng (dalawang bola kada araw) ang mga bayan ng Victoria, Roxas, Pola, Socorro, Calapan City at iba pang bayan sa nasabing lalawigan.

Samantala, nilinaw ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na wala sa kanilang pangangasiwa ang mga prangkisa ng Peryahan ng Bayan. Ayon pa kay PCSO general manager Mel Robles, hindi nakatatanggap ng anomang bahagi – maski singkong duling – ang kanilang tanggapan mula sa ilegal na operasyon ng Globaltech Mobile Online Corp. ni Mañalac.

“As far as we are concerned, hindi sanctioned ang operations nila (PNB). They do not remit anything to the PCSO,” ani Robles.

CAPTION:

NAKUNAN ng larawan ang pagpapataya at bolahan ng jueteng sa lalawigan ng Oriental Mindoro.

161

Related posts

Leave a Comment