DOJ MAY BAGONG INFO NA MAGDIDIIN PA KAY BANTAG

LALONG madidiin si suspended Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gerald Bantag sa kasong pamamaslang sa veteran broadcaster na si Percy Lapid sa panibagong impormasyon na nakuha ng Department of Justice.

Kinumpirma ito kahapon ni DOJ Crispin Remulla.

Sa impormasyon sa DOJ, nabatid na nabigong dumalo si Bantag sa graduation ng persons deprived of liberty (PDL) sa Bilibid noong nakalipas na September 9.
Ang nasabing petsa umano ay ang mismong araw na pumunta si Percy Lapid sa bahay ni Bantag sa Laguna para kunan ng video ang sinasabing malaking bahay nito at maraming mamahaling sasakyan.

Diumano, nang malaman ito ni Bantag ay agad itong umuwi ito sa kanyang bahay sa Laguna kaya hindi na sinipot ang napakahalagang okasyon ng pagtatapos ng mga PDL.

Lumalabas din aniya na September 15 inilabas ni Lapid ang video sa kanyang programa at September 17 sinimulan ang pagpaplano para patayin ito.

Dahil dito, lalong lumakas ang hinalang ang “Cinderella man” issue na tinalakay ni Lapid sa kanyang programa ang nagdulot ng matinding galit kay Bantag na humantong sa pagpaslang sa broadcaster.

Tracker Team Handa Na

Kaugnay nito, nakahanda na ang tracker team ng Philippine National Police (PNP) na tutugis sa mga kinasuhan kabilang na sina Bantag at BuCor Directorate for Security and Operations Superintendent Ricardo Zulueta.

Sa isang ambush interview, sinabi ni PNP Chief Police General Rodolfo Azurin Jr., na hinihintay na nila ang ilalabas ng korte na warrant of arrest bago pakilusin ang tracker team.
Patuloy naman ang panawagan kay Bantag na lumantad at harapin ang reklamo. (JESSE KABEL RUIZ)

26

Related posts

Leave a Comment