DOKTOR NASALISIHAN SA OSPITAL, 2 TIMBOG

TIMBOG ang dalawang lalaki sa mga operatiba ng District Investigation Division, Special Mayor’s Reaction Team (SMaRT) ng Manila Police District, sa isinagawang follow-up operation sa magkahiwalay na lugar makaraang masalisihan ang isang 28-anyos na doktor sa UST Hospital sa Sampaloc, Manila.

Unang nadakip ang suspek na si Adrian Sabido, alyas “Ryan”, 39, cellphone technician, ng Bicol Street, Payatas, Quezon City.

Inginuso ni alyas “Ryan” ang kasabwat na si Joemar Teodoro, 31, residente ng Brgy.128 sa Balut, Tondo, na nagresulta rin sa pagkakaaresto sa huli.

Ayon sa ulat ni Police Major Edward Samonte, hepe ng DID-SMaRT, nagtungo sa kanilang tanggapan ang biktimang si “Paulo” 28, physician, at residente sa isang condominium sa Ermita, Manila, makaraan umano siya masalisihan ng mga suspek UST Hospital bandang alas-9:30 ng gabi noong Lunes.

Agad nagsagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad sa pamamagitan ng footage ng CCTV ng nasabing ospital.

Kabilang sa gadgets na natangay ng mga suspek mula sa condo unit ng biktima ang Iphone na nagkakahalaga ng P80,000; MacBook Pro 13 inches (P90,000), at Samsung A- J (P10,000).

Natuklasan din na nilimas ng mga suspek ang GCash sa cellphone ng biktima na nagkakahalaga ng P46,000.

Una umanong ginamit ang GCash ng biktima ng isang alyas “Macmac sa appliance center sa isang mall saka nagpakarga ng gasolina si alyas “Ryan” sa halagang P6,600.

Sa footage ng CCTV sa gasolinahan ay nakita ang plate number ng kotse ni “Ryan” at nang beripikahin ay nakarehistro ito sa suspek na si Sabido.

Sa ikinasang follow-up operation ng mga awtoridad ay nadakip si alyas “Ryan” sa Balut, Tondo na ikinanta ang kasabwat na si Teodoro.

Ikinanta rin ng mga suspek na kasabwat nila sina alyas “MacMac” at alyas “Ompong” sa paggamit sa GCash ng biktima, na tinutugis na ng mga awtoridad.

Ang dalawang suspek ay nahaharap sa kasong paglabag sa Article 308 ng Revised Penal Code (Theft), Republic Act 8484 (Access Devices Regulatory Act of 1998) at nahaharap naman sa paglabag sa Anti- Fencing Law ang tinutugis na sina “Macmac” at “Ompong.” (RENE CRISOSTOMO)

102

Related posts

Leave a Comment