DOKTOR PINATAY NG AKYAT-BAHAY

NILOOBAN ng isang hindi kilalang akyat-bahay ang isang 62-anyos na doktor at pinatay sa kanilang bahay sa Sta. Ana, Manila noong Lunes ng gabi.

Kinilala ang biktimang si Nathaniel Alunan y Aquino, physician, ng Barangay 875, Sta. Ana, Manila.

Kasalukuyan pang binubusisi ang pagkakakilanlan ng suspek habang dalawang testigo ang nagbigay ng salaysay sa pulisya.

Batay sa ulat ni Police Captain Dennis Turla, hepe ng Manila Police District – Homicide Section, bandang alas-6:45 ng gabi nang madiskubreng patay na ang biktima sa kanyang bahay.

Ayon sa imbestigasyon ni Det. Charles Benzon Dela Torre, may hawak ng kaso, nawawala ang IPhone 12 Pro ng biktima na nagkakahalaga ng P52,000, bukod sa hindi pa madeterminang halaga ng cash.

Ayon sa salaysay ni Michelle Calugcugan, 31, dalaga, caregiver, ng Legaspi Tower sa Roxas Boulevard, Malate, huling nakitang buhay si Alunan noong Enero 14, hanggang sa hindi na makontak ang biktima.

Dahil dito, ipinagbigay-alam niya ito sa kapatid ng biktima at hindi umano sila nakuntento kaya tinungo nila ang bahay ni Alunan.

Hanggang sa madiskubreng duguan at wala nang buhay ang biktima.

(RENE CRISOSTOMO)

290

Related posts

Leave a Comment