SINAMPAHAN ng “Petition for Disqualification” sa Commission on Elections (COMELEC) ang Kapitan ng Barangay ng Masagana, Pandi, Bulacan kaugnay ng umano’y paglabag sa Omnibus Election Code (OEC) nitong Biyernes.
Sa limang pahinang complaint affidavit ni Manilyn Goc-Ong, nasa hustong gulang, residente ng Ignacio St., Purok 1, Barangay Masagana ng nasabing bayan, pinaratangan nito si incumbent Barangay Captain Francisco “Kikoy” Sandil ng pamimili ng boto.
Nabatid na si Sandil ay re-electionist sa Barangay Masagana.
Ayon sa petitioner, ipinatawag siya ng isang political leader kasama ang marami pang mga ka-barangay upang pumunta sa warehouse umano ni Kapitan Sandil kung saan sila ay kinuhanan ng litrato at pagkaraan ay sinabihan na ipatatawag na lang ulit.
Oktubre 22 nang sila ay pabalikin sa nasabing warehouse na matatagpuan sa Purok 4, Barangay Masagana at sila ay binigyan ng laminated ID na nakasaad ang kanilang pangalan at voting precinct number na mayroon din litrato at QR Code kalakip ang halagang P1,000.
Ang nasabi umanong card ay magsisilbi rin umanong health card ng nagmamay-ari nito oras na iboto o isulat sa balota ang pangalan ni Kapitan Sandil at muling makatatanggap ng halagang P2,000 sa araw ng eleksyon.
Ayon pa kay Goc-Ong, rampant umano ang vote buying sa kanilang lugar na kung saan ay tinatayang aabot sa libu-libo na ang naipakalat na ‘health card’.
Nagdesisyon siya na magsampa ng petisyon para matigil na ang nasabing ilegal na pamimili ng boto sa kanilang lugar.
Samantala, isang kandidato sa pagka-Kagawad ng barangay ang dinakip at dinala sa Pandi Police Station dahil sa paglabag sa Omnibus Election Code (vote buying) Sabado ng umaga sa Barangay Bagong Barrio, Pandi, Bulacan.
Base sa imbestigasyon, ang suspek na pansamantalang hindi pinangalanan ay nahuli umano sa aktong namimili ng boto at narekober dito ang ilang sample ballot at DSWD General Intake Sheets.
(ELOISA SILVERIO)
249