INIUTOS ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa mga ahensiya ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at Department of Environment and Natural Resources (DENR) na tulungan ang mga lalawigan ng Bulacan at Pampanga sa pagpapaigting ng dredging operation sa nabanggit na mga lalawigan.
Ang paghuhukay sa mga kailugan at sapa ang isa sa pangunahing mga aksyon na kailangang gawin para sa pangmatagalang solusyon na nakikita ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan upang mabawasan ang pagbaha.
Sa isinagawang Situation Briefing kasama sina Gob. Daniel Fernando, Bise Gob. Alex Castro at ang lahat ng mga alkalde sa Bulacan, at piling regional line agencies, sa Mariano Ponce Hall, Hiyas ng Bulacan Convention Center sa Malolos, inilatag sa Pangulo ang mga pamamaraan para maresolbahan ang suliranin sa baha.
Kabilang sa mga inihain ni Fernando ay ang karagdagang mga water reservoir at water impounding area sa Lalawigan ng Bulacan bilang isa sa pangmatagalang mga solusyon na sinang-ayunan naman ng presidente.
Iminungkahi ni Fernando ang karagdagang water reservoir at water impounding areas sa mabababang lugar bilang isa sa mga aksyong isinusulong bukod sa emergency response nito na paghuhukay ng mga ilog at sapa.
Ayon sa gobernador, hindi sapat ang mga equipment ng provincial government pati na ng mga lokal na pamahalaan para sa malawakang paghuhukay kung kaya’t hindi gaanong magampanan.
Dahil dito, sinabihan ni Pangulong Marcos ang DPWH at DENR na manghiram ng mga dredging machine sa iba’t ibang lokal at nasyunal na tanggapan ng pamahalaan para matugunan ang pangangailangan ng Bulacan at Pampanga.
Sinabi pa ni PBBM na ang mga iminungkahing pangmatagalang solusyon ni Fernando para sa lalawigan ay tumutugma sa mga plano ng pamahalaang nasyunal.
“Itong dredging, iyan ang emergency response natin so kailangan pa rin talaga gawin para at least lumalim ng kaunti ‘yong ilog. But it is not a permanent solution dahil babalik din ‘yong siltation eh. But I think you have identified the better way, the water reservoirs and water impounding areas in the lowlands. Iyon ang aming talagang pinaplano,” ani PBBM. (ELOISA SILVERIO)
155