DRIVER 6-ORAS NA-TRAP SA NAAKSIDENTENG TRUCK

CEBU – Matagumpay na nailigtas ng mga rescuer ang isang driver na mahigit anim na oras na na-trap sa loob ng kanyang minamanehong dump truck na nasalpok ng umatras na 10-wheeler truck sa provincial road sa Sitio Cabaray, Barangay Lawaan, sa bayan ng Alcantara sa lalawigan noong Martes ng umaga.

Ayon sa report ng Alcantara PNP, dakong alas-10:00 ng umaga nang mangyari ang aksidente habang umaahon sa matarik na kalsada ang nasa unahang isang 10-wheeler truck.

Subalit dahil sa bigat ng kargang buhangin, hindi nito kinayang umakyat at dumausdos itong paatras hanggang bumangga sa kasunod na dump truck na minamaneho ng biktimang si Milky Miot.

Agad na nakatalon ang pahinante nito na si Jervin Camus subalit naipit sa driver seat si Miot.

Gumamit ng mga special equipment ang mga responder at binigyan ng oxygen ang biktima habang pilit itong hinuhugot mula sa nagkayupi-yuping na sasakyan.

Pasado alas-3:00 ng hapon nang matagumpay itong makuha mula sa loob ng truck at kaagad isinugod sa ospital.

Ikinustodiya naman ng pulisya ang driver ng 10-wheeler truck na nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in damage to property and physical injuries.

(NILOU DEL CARMEN)

46

Related posts

Leave a Comment