CAVITE – Sugatan ang driver ng isang Toyota Innova nang pagtulungang bugbugin ng isang rider at angkas ng motorsiklo matapos magkainitan sa trapiko sa Imus City noong Linggo ng madaling araw.
Nilalapatan ng lunas sa Ospital ng Imus ang biktimang si Jayson Saria y Legaspi, nasa hustong edad, driver ng Toyota Innova wagon na may plate number na NIF 8091, dahil sa mga sugat sa katawan.
Kilala naman ang driver ng motorsiklong Honda PCX WWW150, na si Reinald Karel Unlayao y Huesca at angkas nito na si Jerusalem Unlayao y Dacuan
Ayon sa ulat, dakong alas-3:30 ng madaling araw nang mangyari ang insidente habang minamaneho ni Saria ang kanyang Toyota Innova samantalang motorsiklo naman ang minamaneho ni Unlayao at angkas nito ang kanyang pinsan.
Kapwa nila binabagtas ang kahabaan ng Julian Bridge sa Bayan Luma Road, Brgy. Bayan Luma IX, Imus City patungo sa direksyon ng Brgy. Bucalandia, nang maipit sila ng trapiko.
Sa hindi batid na dahilan, nagkaroon ng mainitang pagtatalo sina Saria at Reinald na humantong sa suntukan ngunit dehado ang driver ng Toyota Innova.
Gayunman, imbes na awatin ni Jerusalem ang dalawa, sumali rin ito sa pagbugbog at pinagtulungan ang driver ng Toyota Innova.
(SIGFRED ADSUARA)
198