Driver umiwas sa tumatawid PASAHERO NG AMBULANSYA PATAY, 4 SUGATAN

CAVITE – Imbes na masagip ang buhay, hindi na nakarating pa sa ospital at tuluyang nalagutan ng hininga ang isang 34-anyos na pasyente nang bumangga sa mga sasakyan ang sinasakyan nitong ambulansiya nang iwasan ng driver nito ang isang taong tumatawid sa kalsada na nagresulta rin sa pagkakasugat sa apat katao sa bayan ng Silang sa lalawigang ito, noong Linggo ng madaling araw.

Kinilala ang namatay na si Joselito Rotaryo habang ang mga nasugatan ay sina Nina Madrigal, 38; April Tibayan, 32, pawang residente ng Nasugbu Batangas, mga pasahero ng ambulansiya; at dalawang menor de edad na may edad na 15 at 16.

Habang ang driver ng ambulansiya na isang Toyota HiAce Grandia, ay kinilalang si Ryan Villalobos De Roxas, 46, ng Banilad, Nasugbu, Batangas.

Ayon sa ulat ni Pat. Menervin Castillo ng Silang Police, alas-4:10 noong Linggo ng madaling araw, minamaneho ni De Roxas ang ambulansiya at pasahero sina Rotaryo, Madrigal at Tibayan at binabagtas ang Emilio Aguinaldo Highway Bypass Road sakop ng Brgy. Sabutan, Silang, Cavite galing south direction patungo sa north direction (Dasmariñas), upang dalhin sa isang ospital sa Maynila si Rotaryo na biktima ng isang vehicular accident sa kanilang lugar.

Ayon sa pasaherong si Madrigal, may isang tao na tumawid sa kalsada kaya tinangka ni De Roxas na umiwas ngunit bumangga ang ambulansiya sa isang tindahan ng lugawan na binabantayan ng dalawang menor de edad na biktima. Nahagip din ng nasabing sasakyan ang isang tricycle, isang padyak, tatlong motorsiklo at isang Toyota Wigo.

Pawang isinugod sa Estrella Hospital at Velasco Hospital ang mga nasugatan habang tuluyang nalagutan ng hininga si Rotaryo. (SIGFRED ADSUARA)

49

Related posts

Leave a Comment