MISTULANG pinahihirapan ng gobyerno ang mga tsuper at operator ng public utility vehicles (PUVs) para masiraan ng loob ang mga ito na sumali sa PUV modernization program.
Ganito inilarawan ni Agri Party-list Rep. Wilbert Lee ang sitwasyon ng mga driver at operator dahil bukod sa masyadong mahal ang modernong sasakyan ay kilo-kilometro ang requirements na hinihingi sa kanila ng Land Bank of the Philippines (LBP) at Development Bank of the Philippines (DBP) bago mapautang.
“Let us liberalize and simplify these requirements. Marami na ngang na-comply na requirements na hiningi ang LTFRB (Land Transportation Franchising and Regulatory Board) at LTO (Land Transportation Office), kilo-kilometro pa rin ang dami ng hinihingi ng Land Bank o DBP na mahirap kumpletuhin,” reklamo ng mambabatas.
Ayon kay Lee, kapag nakumpleto ng mga tsuper at operator ang requirement sa LTFRB at LTO para sa nasabing programa ay hinihingan ang mga ito ng nasabing mga bangko ng sangkatutak na dokumento, subalit hindi na niya ito idinetalye.
Saka lang aaprubahan ng nabanggit na mga bangko ang loan ng mga aplikante kapag nakumpleto na ang requirements na imposibleng matugunan ng mga tsuper at operator dahil sa abang kalagayan sa buhay.
“Maging makatotohanan po tayo dito. Napakahirap na nga po ng buhay ng ating mga tsuper at operator dahil sa walang prenong pagtaas ng presyo ng gasolina at ng mga bilihin, dadagdagan pa natin ang sakit ng ulo nila sa mahahaba at komplikadong proseso ng pag-apply ng loan,” ayon sa mambabatas.
Kumikita lamang aniya ng P500 hanggang P700 kada araw ang isang tsuper kaya hindi kakayanin ng mga ito na bayaran ang P1.8 million hanggang P2 million na halaga ng bawat yunit ng pampasaherong sasakyan na nais ng gobyerno na ipalit sa kanilang traditional na jeep.
Unang isinulong ng nakaraang administrasyon ang PUV modernization kung saan pauutangin ang mga operator at tsuper para sa modernong sasakyan at ipinagpapatuloy ito ng kasalukuyang gobyerno.
“Kaya po tayo nagsusulong ng ganitong mga programa, kaya natin pinapataas at pinapalaki ang budget, ay para makatulong. It defeats the purpose kung pinapahirapan natin sila. Ano ba talaga ang papel natin dito? Ang tulungan sila o ang pahirapan sila?” tanong pa ni Lee.
(BERNARD TAGUINOD)
188