DRUG DEALER, 1 PA UTAS SA PNP-PRO5

PATAY ang tinaguriang notoryus na drug dealer at isang kasama nito sa ikinasang anti-narcotics operation ng magkatuwang na pwersa ng PNP-Police Regional Office 5 at Philippine Drug Enforcement Agency-Regional Office 5 sa Labo, Camarines Norte

Ang nasabing operasyon ay bilang pagtalima sa direktiba ng pamunuan ng PNP sa pamumuno ni P/Gen. Guillermo Lorenzo T. Eleazar, kaugnay  sa ipinatutupad na “Internal Cleanliness Policy in the Community.”

Kinilala ang napatay na mga suspek na si Reynaldo Esguerra, 44, may asawa, at residente ng Brgy. Alawihao, Daet, Camarines Norte, at ang kasama nitong si alyas “Muslim.”

Ayon sa ulat, nagkasa ng buy-bust operation ang mga tauhan ng Regional Police Drug Enforcement Unit 5; PIU/PPDEU Camarines Norte PPO; IMEG-SOU; RID5-RSOU; 501st MC RMFB5; 2nd CNPMF; at MPDEU ng Labo MPS kasama ang PDEA ROV noong Sabado ng gabi.

Sa nasabing operasyon, ang poseur buyer ay nakipagkita sa itinakdang lugar ng mga suspek sa Brgy. Talobatib, Labo, Camarines Norte kung saan nangyari ang palitan ng 25 gramo ng hinihinalang shabu at kabayarang P150,000 salapi.

Ngunit matapos ang transaksyon ay nagduda si Esguerra nang makita ang papalapit na mga operatiba sa kinaroroonan nila.

Bunsod nito, bumunot ng baril si Esguerra at itinutok sa poseur buyer. Sa gitna ng pagtatangka nitong barilin ang pulis ay hinimok itong sumuko nang maayos ngunit nagmatigas ang suspek.

Gamit ang .45 kalibreng pistola, pinaputukan nito ang nasabing tropa na naging sanhi ng pagganti ng putok ng mga awtoridad.

Sa gitna ng komosyon, nakatakas ang suspek at kasama nitong si alyas “Muslim” sakay ng isang kotse.

Agad namang naglatag ng checkpoint at dragnet operation ang pulisya ng mga bayan ng Capalonga at Sta. Elena para hulihin ang mga suspek hanggang sa masukol ang mga ito at napatay ng mga awtoridad.

Napag-alaman na si Esguerra ay isang drug dealer sa Region 4-A partikular na sa probinsya ng Rizal.

Ito umano ay nagtungo ng Camarines Norte noong 2019 upang magtago nang mamatay ang amo nito.

Sa probinsya ng CamNorte nito itinuloy ang ilegal na aktibidad sa pamamagitan ng pagsu-supply ng droga sa lugar ng Daet, Labo, Jose Panganiban at Paracale na ibinabiyahe mula pa sa Taguig City gamit ang iba’t ibang sasakyan.

Umaabot umano sa 150 gramo ng shabu ang naipamumudmod nito kada linggo sa nabanggit na mga lugar.

Binigyan naman ng pagkilala ni P/BGen. Jonnel C. Estomo, Regional Director ng PNP-PRO5, ang mga operatiba sa matagumpay na operasyon. Aniya, walang pinipiling oras o lugar ang kampanya kontra ilegal na droga.

Lagi aniyang handa ang pulisya sa pagtugis sa mga suspek upang panagutin sa batas sa ilegal nilang gawain. (JESSE KABEL)

47

Related posts

Leave a Comment