DRUG GROUP LEADER NASUKOL SA LAGUNA

LAGUNA – Arestado ang hinihinalang lider ng Papagayo drug group at kasamang babae sa isinagawang buy-bust operation ng mga operatiba sa Sta. Rosa City.

Ayon sa ulat kay Calabarzon Regional Director P/Brig. Gen. Eliseo Cruz ni Laguna Provincial Director P/Col. Rogart Campo, kinilala ang mga suspek na sina Alfredo Papagayo alyas “Pendong”, 45, ng Purok 5, Brgy. Caingin, Sta. Rosa City, at Celine Rivera Ebron, 24, residente ng #1328 Langka St., San Antonio, Biñan City.

Napag-alaman, hatinggabi noong Sabado nang magsagawa ng anti-illegal drug operation ang pinagsanib na pwersa ng Drug Enforcement Team ng Sta. Rosa City at PDEA 4-A sa Villa Caceres sa Brgy. Balibago ng bayang ito.

Sa nasabing operasyon ay nadakip ng mga awtoridad ang dalawang suspek makaraang makabili ng ilegal na droga kapalit ng halagang P6,000.

Nakumpiska sa mga suspek ang 4.5 gramo ng umano’y shabu at ang ginamit na buy-bust money.

Nasa pangangalaga na ng Sta. Rosa City Police Station ang mga ebidensyang gagamitin laban sa mga suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (CYRILL QUILO)

3

Related posts

Leave a Comment