DRUG GROUP MEMBER, 2 PA LAGLAG SA BUY-BUST

CAVITE – Swak sa kulungan ang tatlong hinihinalang tulak, kabilang ang isang miyembro ng Castillo drug group, makaraang makumpiskahan ng tinatayang P200,000 halaga ng umano’y shabu sa buy-bust operation sa magkakahiwalay na lugar sa lalawigan nitong Huwebes ng madaling araw.

Kinilala ang mga arestado na sina alyas “Gerry”, miyembro ng Castillo drug group, alyas “Noli” at alyas “Federico”, pawang nasa hustong edad.

Ayon sa ulat, dakong alas-3:20 kamakalawa ng hapon nang madakip ng Drug Enforcement Unit (DEU) ng Kawit Municipal Police Station sa Brgy. Gahak, Kawit, Cavite si alyas “Gerry”, miyembro ng Castillo drug group, at nakumpiskahan ng 0.8 gramo ng umano’y shabu na may street value na P4,080.

Tinatayang 15 gramo ng hinihinalang shabu na P103,500 ang halaga ang ang nasamsam naman kay alyas “Noli”, sa buy-bust operation ng mga operatiba ng General Mariano Alvarez (GMA) Police Station dakong alas-12:15 kahapon ng madaling araw sa Brgy. Poblacion, GMA, Cavite

Sa isinagawang operasyon ng mga operatiba ng GMA Police Station sa Brgy. Poblacion ng nasabing bayan dakong alas-12:50 ng madaling araw, nadakip si alyas “Federico” na nakumpiskahan ng 7.50 gramo ng shabu na may street value na P51,750.

Halos umabot sa P200,000 ang halaga ng ilegal na droga na nakumpiska sa tatlong suspek.

(SIGFRED ADSUARA)

71

Related posts

Leave a Comment