KINASTIGO ng Department of Trade and Industry (DTI) ang Move It rider na nag-post sa social media na hindi siya nagbibigay ng tamang sukli sa kanyang mga pasahero.
Umaksyon ang DTI nang mag-viral ang post ng isang Move It rider ukol sa kanyang diskarte na huwag suklian ang mga pasahero niya.
Batay sa post ng rider, sinasabi niya na wala siyang barya kung P30 pababa ang dapat isukli sa pasahero, kahit meron naman talaga siyang panukli. Ang naiipong sukli ay ginagamit ng rider na pangkain.
Ngunit sinabi ng DTI na bawal ang gawaing ito sa ilalim ng Republic Act 10909 o No Shortchanging Act of 2016, na nagmamandato na eksakto ang dapat ibigay na sukli sa mga customer.
Saklaw ng batas ang mga ride-hailing apps kahit wala pa sila noong isabatas ito, dagdag pa ng DTI.
Ayon sa DTI, ang paglabag sa nasabing batas ay may parusang multa at suspension ng lisensya para makapag-operate. Sa ikaapat na paglabag, kakanselahin na ang permit ng negosyo para makapag-operate.
Nang makapanayam ng isang TV station, sinabi ng Move It rider na hindi siya hihingi ng paumanhin sa mga nagalit na netizen.
50