TULUYANG ikinandado ang isang punerarya dahil sa mga reklamo kaugnay ng kawalan nito ng kalinisan na ikinababahala ng mga naninirahan sa paligid nito sa Tondo, Manila.
Siniguro ng mga tauhan ni Police Lieutenant Colonel Rosalino Ibay Jr., MPD- Station 1 Commander na hindi magbubukas muli ang Elesium Funeral Chapel na matatagpuan sa panulukan ng Maliklik Extension at Juan Luna Street, Gagalangin, Tondo hangga’t hindi ito sumusunod sa tamang patakaran.
Nabatid na nauna nang iniutos ng Bureau of Permits and License Division ang pag-padlock sa punerarya ngunit muli itong nagbukas kaya nagpasaklolo ito sa Manila Police District- Raxabago Police Station 1.
Noong Disyembre 2, 2022, nang iutos ni Andrew Besa, hepe ng BPLD ng Manila City Hall ang pagpapasara sa punerarya dahil sa paglabag sa ordinansa tulad ng Sanitary Regulation at Breach of Closure Order.
Bitbit ang closure order, ipinatupad ng grupo ni Ibay ang pagpadlock sa punerarya.
Reklamo ng mga residente malapit sa Elesium Funeral Chapel, nababahala sila sa masangsang na amoy na nagmumula sa punerarya.
“Pwede naman silang mag-apela kung kinakailangan pero wala na umano silang maipakitang bagong rehistro ng pag-aaplay nang magtanong kami,” dugtong ni Ibay. ( RENE CRISOSTOMO)
