DUMUKOT SA KABABAYAN, 2 VIETNAMESE NABITAG

ARESTADO ng mga operatiba ng Anti-Kidnapping Group ang dalawang Vietnamese national na dumukot sa isa nilang kababayan kapalit ng P1 milyon ransom.

Unang nadakip sa follow-up operation ng mga operatiba ng AKG noong Nobyembre 17, 2022 si Minh Viet Phan, 29, sa kanyang condominium unit, habang si Chi Trung Nguyen, 27, ay naaresto ng mga awtoridad noong Nobyembre 18, 2022 sa isang KTV Bar sa Parañaque City matapos mailigtas ang dinukot na babaeng Vietnamese sa Antipolo City.

Nauna rito, huling nakita ang biktima sa isang restaurant noong Oktubre 29 at kinagabihan umano ay nakatanggap ng mensahe at video ang kasintahan nito na dinukot ito at binugbog ng dalawang suspek.

Humingi umano ng P50,000,000 ransom ang mga suspek para sa kalayaan ng kasintahan.

Matapos ang negosasyon sa pamilya ng biktima, nailipat agad sa dalawang tranches sa isang US dollar account ang P1,000,000 ransom.

Dakong alas-1:30 ng hapon noong Nobyembre 16, 2022, inabandona ng mga suspek ang biktima sa Blue Mountain, Sumulong Highway, Antipolo City kung saan ito nailigtas.

Kasong kidnapping for ransom at serious illegal detention ang isinampa ng mga awtoridad sa dalawang Vietnamese. (ENOCK ECHAGUE)

19

Related posts

Leave a Comment