DYOWA PINATAY, ISINILID SA DRUM NG KANO

CAVITE – Selos ang hinihinalang dahilan kaya pinatay at isinilid sa drum ng isang retiradong Amerikano ang kanyang kinakasama sa Bacoor City.

Kinilala ang biktimang si Mila Loslos y Narciso, 48, habang naaresto naman ang suspek at live-in partner nito na si William Tomas Worth, dating artist designer at retiradong US Citizen, kapwa residente ng Brgy. Habay 1, Bacoor City, Cavite

Ayon  kay Police Lt. Col. Ruther Saquilayan, hepe ng Bacoor City Police Station, selos ang nakikita nilang dahilan sa pagpatay ng retiradong Kano sa biktima.

Nabatid sa ulat ni Police Corporal Marco Romero Cupo ng Bacoor City, Cavite, dakong ala-1:00 ng hapon noong Martes nang madiskubre ang bangkay ng biktima sa loob ng kanilang bahay sa Santero Subd., Brgy. Habay 1, Bacoor City, Cavite.
Ito ay makaraang iulat sa pulisya ng anak ng biktima na si Niño Jay Loslos, 21, isang college student, ng CAA, Las Piñas City, na nawawala ang kanyang ina at huli nitong nakita noong May 5, 2023.

Nabatid na madalas umanong magtawagan ang mag-ina subalit nitong nakaraang araw ay hindi na makontak ni Niño ang ina.
Pinuntahan ni Niño ang bahay ng kanyang ina at kinausap ang live-in partner nito subalit itinanggi ang kinaroroonan ng biktima.

Ngunit nakalanghap ng masangsang na amoy ang anak kaya humingi ng tulong sa mga pulis na nagresulta sa pagkakadiskubre sa bangkay ng biktima na nakabalot sa garbage bag at nasa loob ng drum.

Ang bangkay ng biktima ay puro pasa ang katawan at nadiskubre rin sa crime scene ang isang kutsilyo at nylon cord. (SIGFRED ADSUARA)

123

Related posts

Leave a Comment