(BERNARD TAGUINOD)
HAWAK na ng isang mambabatas at inilantad na sa Kamara ang ilang ebidensya ukol sa umano’y dayaan noong nakaraang national elections na pinanalunan nina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., at Vice President Sara Duterte.
Sa kanyang interpelasyon sa budget deliberation ng Commission on Elections (Comelec), isiniwalat ni Kabataan party-list Rep. Raoul Manuel ang ilang impormasyon kung saan mas nauna pang nag-transmit ang isang private IP address na 192.168.02 kaysa sa Vote Counting Machine (CVM) sa Metro Manila at Region 4-A.
Inihalimbawa ni Manuel ang kaso ng VCM ng Barangay 73, Caloocan City na may Precinct ID No. 75010757 na nagprint umano ng ER o Election Returns ng alas-8:39 ng gabi noong Mayo 9, 2022 subalit sa transparency server ng Comelec, natanggap nila ang ER sa parehong VCM bandang alas-7:27 ng gabi mula sa nasabing IP address.
“Another sample Mr. Speaker, VCM sa Barangay Paso de Blas, Valenzuela City with precinct ID 75040563, naprint po yung ER 9:34 PM. Pero nasabi ng transparency server nakatanggap siya ng ER, 8:16 pm and that one hour seventeen minutes ten second before naprint ang ER,” ayon sa mambabatas.
Ganito rin aniya ang nangyari sa VCM sa Barangay Bambang, Batangas City na may ID number na 10070015 kung saan naprint ang ER alas-9:10 ng gabi subalit naipada na ng nasabing IP address ang resulta sa transparency server dakong alas-7:25 ng gabi pa lamang o advance ng isang oras kwarenta y singko minuto at labinlimang segundo.
Ayon sa mambabatas, kwestiyonable ito dahil kailangan aniyang maiprint muna ang mga ER bago ipadala sa transparency server ng Comelec. Idinepensa naman ito ni Surigao del Norte Rep. Francisco Jose Matugas II, sponsor ng budget ng Comelec, sa pagsasabing ang importante ay pareho ang resulta ng ER sa VCM at ipinadala ng nasabing IP address.
“Kahit sabihin natin na nag-differ sa time, hindi binibilang yung time. Resulta po ang binibilang kung ano po ang dapat na boto. Kung si Juan nakakuha ng 100 votes, sabihin natin by nine o’clock pero yung natransmit 100 votes din by 8 o’clock I think it wouldn’t matter,” depensa ni Matugas.
Subalit ayon kay Manuel, hindi katanggap-tanggap na nauna pang nagpadala ng resulta ang nasabing private IP address gayung hindi pa nasusuri ng taumbayan kung tama ang naiprint na boto sa mga VCM.
“I cannot accept yung justification na basta pareho lang nasa election returns at saka yung nasa transparency server regardless of time difference ok na po yun. Ang implication nun, we have an analogy, for example, ako Madame Speaker, nagtext ako sa iyo…Madame Speaker, nauna pang may natanggap ka bago ako nagsend ng message. Sino yung nagsend ng mensahe, hindi ko pa nga naclick yung send. That’s an analogy na kaduda-duda na advance pa nakatanggap yung transparency server bago pa maprint ang mga ER,” paliwanag pa ni Manuel.
