WALANG masamang epekto sa ekonomiya ng bansa ang ganap na pagsasara ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) sa bansa.
Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla na “As per NEDA, .25 of 1 percent of total GDP (gross domestic product) ang maaapektuhan.
We don’t see a significant dent sa economy natin.”
“I think ma-make up naman ‘yan sa mga iba pang mga revenue enhancing measures ng Department of Finance,” dagdag na wika nito.
Nauna rito, sinabi ng Philippine Amusement and Gaming Corp. (PAGCOR), na inaasahan na ng pamahalaan na mawawalan ito ng P20 billion taun-taon sa inaasahang pagsasara ng mga POGO.
Matatandaang, ipinag-utos ng Malakanyang ang agarang pagbabawal o pag-ban sa POGO, internet gaming at iba pang uri ng offshore gaming operation sa bansa.
Sa Executive Order No. 74 na nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin na may petsang Nobyembre 5, 2024, nakasaad na hindi papayagan ng PAGCOR na aprubahan ang mga bagong lisensya at hindi na rin papayagan ang renewal o extension ng lisensya.
Nakasaad din sa EO ang tuluyang paghinto ng operasyon sa Disyembre 31, 2024 o mas maaga pa.
Tiniyak naman ni Remulla na personal niyang pangangasiwaan ang pagsasara ng POGO hub sa Island Cove sa Kawit, Cavite sa Disyembre 15 para ipakita ang paglutas ng gobyerno sa pagsasara ng POGO operations sa bansa.
Tutugisin Ng DILG
Samantala, nagbabala rin si Remulla Jr. na tutugisin ang mga nasa likod ng POGO guerilla operations na inaasahan kasunod ng total ban laban dito.
Ito’y sa kabila na maaaring ideklara na POGO free ang bansa sa susunod na taon.
Paglilinaw ni Sec. Remulla, ” Ganito iyan, two parts iyan: all licenses are cancelled – so POGO-free tayo; guerilla operations will flourish but we will go after them.”
Ayon kay PAGCOR Chairperson Alejandro Tengco, nagsimula silang ipasara ang mga ilegal na POGO noong manungkulan siya sa pwesto noong 2022.
Mula sa 298 na online gambling hubs na nagkakaroon ng operasyon, naging 48 na lamang ito bago pa man ipag-utos ni Pangulong Bongbong Marcos ang POGO ban.
Pagsapit din aniya ng November 30, naging 13 na lamang ito.
Ani Tengco, pagdating ng December 15 – wala nang POGO.
Sa huli, nilinaw ng PAGCOR head na pagpasok ng January 1, 2025, ang mga POGO na nagpapatuloy sa kanilang operasyon ay tuluyan nang magiging ilegal dahil sa kanselasyon ng kanilang lisensya. (CHRISTIAN DALE)
2