SA gitna ng ugong na isang opisyal ng ahensyang walang kinalaman sa industriya ng enerhiya ang ipapalit sa sinuspindeng chairman ng Energy Regulatory Commission (ERC), nagpahayag ng pagkabahala ang ilang stakeholder.
Naniniwala ang mga ito na mas makabubuting eksperto sa industriya ang dapat mamuno sa ERC.
Laman ng balita nitong nakaraang linggo ang pagkakasuspinde kay ERC Chairman Monalisa Dimalanta.
Ayon sa Ombudsman na naglabas ng kautusan, nagmula ito sa kasong sinampa ng grupong NASECORE na nagsabing hindi tinupad ni Dimalanta ang tungkulin nito.
Dahil ito sa patung-patong na mga petisyon at mga kaso na hindi umano inaksyunan at niresolba ng ilang taon.
Para sa mga stakeholder, kung hindi sana nagpapetiks-petiks sa trabaho si Dimalanta ay bumaba ang presyo ng kuryente.
Nabatid na pinatawan si Dimalanta ng anim na buwang suspension “without pay”.
Gayunman, wala umanong magiging pagbabago kung totoo na ang hahalili kay Dimalanta ay walang alam sa industriya.
Sa impormasyon ng mga stakeholder, may nagtutulak o bumubulong para ang nasabing opisyal ang ipalit sa ERC.
Napaka-kumplikado ng mga usapin tungkol sa enerhiya. Hindi biro ang kaalaman na kinakailangan para masabing isang eksperto sa larangang ito. Taon ang ginugugol para pag-aralan at intindihin ang galawan sa industriya at higit sa lahat, napakalaki ng impact nito sa ekonomiya ng bansa.
Huwag sana magkamali ang administrasyong ito na magtalaga ng isa na namang opisyal na hindi umaaksyon, at mas malala pa, walang alam sa industriya. Mabuti pang isa sa mga apat na commissioner na natira sa ERC ang iangat bilang officer-in-charge, tutal sila naman ay matagal nang nakaupo at may sapat nang kaalaman na sa nakabinbing mga petisyon, paliwanag ng mga stakeholder na hindi na nagpabanggit ng pangalan.
Hindi anila mabibigyan ng tamang direksyon ang ERC kung isa na naman pagkakamali ang itatalagang bagong mamumuno sa ahensyang ito.
Anila pa, ang kabutihan at interes ng taumbayan naman sana ang unahin at hindi ang tinutulak ng negosyanteng ang layunin lang ay magpayaman pa.
64