ESTUDYANTE, 8 PA DINAKMA SA TUPADA

kulong

CAVITE – Siyam na indibidwal, kabilang ang isang 17-anyos na estudyante, ang binitbit ng Cavite police nang maaktuhan habang nagsasagawa ng tupada sa magkahiwalay na lugar sa lalawigang ito noong Linggo ng hapon.

Ayon sa ulat, dakong alas-10:50 ng umaga nang magsagawa ng anti-illegal gambling operations ang Intelligence operatives ng Gen. Trias City Police sa Brgy. San Francisco, Gen. Trias City, Cavite na nagresulta sa pagkakaaresto sa apat na mananabong sa aktong nagsasagawa ng tupada. Nakuha sa kanila ang P3,300 halaga ng taya, dalawang tari at dalawang panabong.

Dakong alas-5:00 naman ng hapon nang nakatanggap ng tawag ang mga operatiba ng POP2 at POP6 ng Imus City Police hinggil sa isinasagawang tupada sa Brgy. Buhay na Tubig, Imus City.
Agad na sumugod ang mga operatiba sa nasabing lugar kung saan naaktuhan habang nagsasagawa ng tupada at nakorner ang limang kalalakihan kabilang ang isang 17-anyos estudyante. Nakuha sa kanila ang P3,190 halaga ng pusta, dalawang panabong at dalawang tari.

Kasong paglabag sa PD 1602 (illegal gambling) ang isinampang kaso laban sa siyam na indibidwal. (SIGFRED ADSUARA)

120

Related posts

Leave a Comment