ESTUDYANTE NAG-GOOD TIME, KINUYOG SA LABAS NG BAR

HUSTISYA ang hiling ng mga magulang ng 20-anyos na lalaking estudyante na namatay makaraang pagtulungang bugbugin ng ilang kalalakihan sa labas ng isang beerhouse sa North Bay Boulevard, Barangay 148, Tondo, Manila nitong Martes ng madaling araw.

Nalagutan ng hininga habang nilalapatan ng lunas sa Tondo Medical Center ang biktimang si Randell Bonifacio, residente ng Tondo, Manila.

Patuloy namang nangangalap ng testigo ang mga tauhan ni Police Lieutenant Colonel Roberto Mupas, station commander, para sa ikadarakip ng mga suspek.

Base sa ulat ni Chief Master Sergeant Gil Bunagan, bandang alas-5:30 ng madaling araw, nakipag-inuman ang biktima sa kanyang mga kaibigan sa isang beerhouse.

Ngunit habang nasa labas na sila para umuwi, isang grupo ng kalalakihan ang humarang sa kanila at pinagtulungang bugbugin ang biktima.

Hindi pa umano nakuntento ang isa sa mga suspek at binagsakan pa ng hollow block sa mukha ang biktima.

Hinihinala ng mga awtoridad na love triangle o personal na alitan ang motibo sa insidente dahil tanging ang biktima lamang ang pinuntirya ng mga suspek.

(RENE CRISOSTOMO)

170

Related posts

Leave a Comment