Estudyante namo-monitor ng parents ID NA IWAS LAKWATSA GAMIT SA SCHOOL SA ALITAGTAG, BATANGAS

KAMPANTE ang mga magulang sa pagpasok at pag-uwi ng kanilang mga anak mula sa eskwela dahil gumagamit ng RFID System (Radio Frequency Identification) ang kanilang eskwelahan.

Sa Facebook post ni Alitagtag Mayor Edilberto “Dingdong” Ponggos, unang nalagyan ng makabagong sistemang ito mula sa pondo ng LGU ang Alitagtag National High School na nasa Barangay Dominador West sa nasabing bayan.

Ayon kay Ponggos, ito ay naglalayong masiguro ang kaligtasan ng mga mag-aaral kung saan mabilis na mamomonitor ng kanilang magulang ang oras ng pagpasok at paglabas nila sa paaralan.
Sa pagpasok ng bata, kailangan niyang i-tap ang kanyang ID card at sa oras ding iyon ay makakatanggap ng text message ang kanyang magulang na siya ay nasa loob na ng paaralan.
Gayundin naman ang sistema sa tuwing siya ay lalabas ng paaralan sa oras ng uwian.

Ayon pa sa alkalde, sa pamamagitan ng sistemang ito, mababawasan ang bigat ng trabaho ng mga guro dahil magiging madali na ang pagmomonitor nila sa attendance ng kanilang mga estudyante.

Magagamit din nila ito sa pagpapalaganap ng mensahe para sa mga meetings, kanselasyon ng klase at iba pang anunsyo ng paaralan.
Plano ni Ponggos na malagyan ng RFID ang iba pang mga paaralan sa Alitagtag. (NILOU DEL CARMEN)

7

Related posts

Leave a Comment