ESTUDYANTE SA QCU DODOBLEHIN – DEFENSOR

DODOBLEHIN ni Congressman at mayoralty candidate Mike Defensor ang bilang ng mga mag-aaral sa Quezon City University (QCU) kapag siya ang nanalong mayor ng lungsod sa Mayo.

Ito ang nabatid mula sa mambabatas na nagsabing plano niyang itaas sa 17,000 ang enrollment sa nasabing unibersidad na pinatatakbo ng local government unit (LGU).

“We want QCU to offer a wider range of bachelor’s degree programs to draw in more students. Our target is to increase the university’s enrollment by 15 percent every year until we double it,” ani Defensor.

Sinabi ng mambabatas, nais niyang mas marami ang matutulungang mahihirap na mga estudyante na makapag-aral nang libre sa QCU kapag siya ang nanalong mayor ng lungsod upang maiahon ng mga ito ang kanilang pamilya mula sa kahirapan.

Sa ngayon ay libreng nakapag-aaral sa QCU ang mahihirap na mga kabataan sa nasabing lungsod dahil sa libreng tuition at miscellaneous fees sa ilalim ng Universal Access to Quality Tertiary Education Act.

Nais din ni Defensor na paramihan ang bachelor degrees na puwedeng kunin ng mga kabataang estudyante sa nasabing unibersidad.

“We will form a partnership between the University of the Philippines (UP) and QCU to aggressively develop the latter’s liberal arts education,” ayon pa sa mambabatas.

“Our initial goal is to add BS Psychology, BS Biology, AB English, and BS Math, among others, to QCU’s program offerings,” dagdag pa nito dahil sa kasalukuyan ay 6 na kurso lamang ang ino-offer ng QCU na kinabibilangan ng Accountancy, Entrepreneurship, Early Childhood Education, Industrial Engineering, Electronics Engineering at Information Technology.

Bukod dito, pararamihin pa umano ang QCU campus para mailapit ito sa mga kabataan at hindi na magastusan nang husto sa kanilang pagpasok lalo na sa pamasahe.

Ang main campus ng QCU ay nasa Quirino Highway partikular na sa Barangay San Bartolome, Novaliches at dalawa lamang ang satellite campuses nito na nasa Barangay Batasan at Sto. Cristo. (BERNARD TAGUINOD)

71

Related posts

Leave a Comment