CAVITE – Patay ang isang 22-anyos na estudyante nang bumangga ang minamanehong motorsiklo sa isang nakaparadang trailer truck sa gilid ng kalsada sa bayan ng Amadeo sa lalawigang ito noong Miyerkoles ng gabi.
Kinilala ang biktimang si Mark Ladao y Dazo, ng Brgy. Loma, Amadeo, Cavite, na idineklarang dead on arrival ng mga doktor sa Ospital ng Tagaytay.
Iniimbestigahan na ang driver ng isang puting Sinotruk Howo A7 tractor truck na may trailer truck na may plakang CUX 106, na si Romelou Ando, 36, ng Brgy. Cabezas, Trece Martires City.
Ayon sa ulat, dakong alas-7:30 ng gabi nang mangyari ang insidente habang minamaneho ni Ladao ang kanyang asul na motorsiklo na Yamaha Mio at binabagtas ang northbound direction sa kahabaan ng CM Delos Reyes Ave., Brgy. Dagatan, Amadeo, Cavite.
Ngunit bigla umanong bumangga ang motorsiklo ng biktima sa likurang bumper ng trailer truck na nakaparada sa gilid ng kalsada.
Bunsod nito, tumilapon ang biktima mula sa kanyang motorsiklo at tumama ang katawan sa sementadong bahagi ng kalsada. (SIGFRED ADSUARA)
