EX-OFW SA TAIWAN, ARESTADO SA P50-M SHABU GALING USA

CAVITE – Arestado ang isang dating overseas Filipino worker (OFW) sa Taiwan matapos tanggapin ang isang parcel galing Long Beach California, USA na naglalaman ng P55,200,000 halaga ng umano’y shabu sa Trece Martires City noong Martes ng gabi.

Kinilala ang suspek na si Michael G. Florendo, 36, binata, residente ng Brgy. Hugo Perez, Trece Martires City, Cavite.

Ayon sa ulat, dakong alas-8:00 noong Martes ng gabi nang naaresto ang suspek sa kanyang bahay sa Brgy. Hugo Perez, Trece Martires City sa aktong tinatanggap ang isang parcel na galing sa Long Beach California USA at naka-consignee sa kanya.

Una rito, nakatanggap ng impormasyon ang Provincial Drug Enforcement Agency (PDEA) Pampanga Provincial Office, PDEA Clark AIU, PDEA ICFAS, Bureau of Custom (BOC) Port of Clark, PDEA Cavite Police Office at mga local police, na isang parcel na naglalaman ng hinihinalang walong kilo ng imported na shabu ang ide-deliver sa suspek sa kanyang bahay sa Cavite, dahilan upang magsagawa ng delivery operation ang mga awtoridad na nagresulta sa pagkakaaresto kay Florendo.

Nabatid na ang nasabing parcel ay dumating sa Port of Clark noong Disyembre 17, 2023.

Pansamantalang nakadetine ang suspek sa PDEA-3 Jail Facility sa San Fernando, Pampanga.

Walang inirekomendang piyansa para sa suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa Section 4 (importation of dangerous drugs) ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act.

(SIGFRED ADSUARA)

197

Related posts

Leave a Comment