KINONDENA ni Manila mayoralty bet Atty. Alex Lopez ang kumalat na fake news na nagsabing nag-withdraw siya sa kanyang kandidatura.
Sa mismong araw ng halalan, binigyang linaw ni Lopez na hindi siya susuko hanggang hindi naipapasok ang huling boto ng kanyang mga tagasuporta.
Itinuturing ni Lopez na desperate moves ng mga kalaban para siraan siya kahit sa mismong araw na ng halalan. Malinaw aniyang panlilinlang ito sa taumbayan para isulong ang masamang hangarin dahil alam nila na umangat si Atty. Alex.
Ibinahagi rin ng pambato ng Partido Federal ng Pilipinas sa lungsod ng Maynila ang mga naobserbahan sa ilang presinto. Kahit mainit ang panahon, hinikayat niya ang mga botante na gamitin ang kanilang karapatang bumoto.
Pinaalalahanan din niya ang taumbayan na suriin mabuti ang mga impormasyon at huwag magpadala sa mga haka-haka na walang basehan. Nanawagan din siya na maging mapagmatyag sa mga pangyayari at isumbong ang mga posibleng paglabag at iregularidad na masasaksihan.
Kaugnay nito, kumpiyansa si Atty. Alex na siya ang lulusot sa mayoralty race.
Inihayag niya ito matapos siyang bumoto sa Mariano Ponce Elem. School kasama ang maybahay na si Ms. Sallie Lopez at dalawang anak na sina Andrew at Lorna Lopez. Gayundin ang 84-anyos na ina ni Atty. Alex na si Gng. Concepcion Lopez. (JULIET PACOT)
113