IMBES tumaas ang foreign direct investment (FDI) dahil sa kaliwa’t kanang biyahe ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa iba’t ibang bansa, bumagsak pa ito noong nakaraang taon.
Sa press conference ng administration congressmen para idepensa ang economic Charter change (Eco Cha-cha), isinisi ni Marikina Rep. Stella Quimbo ang pagbagsak ng P15.9 percent sa FDI sa unang tatlong bahagi ng 2023 sa mahigpit na probisyon sa Saligang Batas sa pagnenegosyo sa bansa.
“The first three quarters of 2023 alone saw a worrisome 15.9% drop in net FDI inflows, as reported by the Bangko Sentral ng Pilipinas. This signals to us that we must invigorate our FDI growth or we will be unable to compete with the economies in our region,” ani Quimbo.
Sinabi ng lady solon na sa nakaraang isang dekada, umaabot lamang sa US$83.5 billion ang nakuhang FDI ng Pilipinas na malayo sa US$220 billion na nakuha ng Indonesia at US$137 billion ng Vietnam.
Kailangan aniyang amyendahan ang mga economic provision ng Saligang Batas dahil maraming dayuhang negosyante ang nagdadalawang-isip na mamuhunan sa bansa dahil sa mahigpit na probisyon sa ekonomiya.
Isinisi naman ni Albay Rep. Joey Salceda ang pananatiling mahirap ng bansa sa limitadong negosyong pumapasok kaya kailangan aniyang sumunod ang lahat kay Pangulong Marcos Jr., na amyendahan ang mga economic provision upang maiahon ang mga tao sa kahirapan.
Naging matumal din umano ang FDI sa sektor ng agrikultura dahil umaabot lamang ito sa P1.3 billion mula sa P242 billion noong 2022 dahil sa higpit ng Konstitusyon.
$14-B Investments
Samantala, ibinida ng Presidential Communications Office (PCO) ang tinatayang 46 proyekto na nagkakahalaga ng $14.2 billion sa foreign investments na naisakatuparan mula sa byahe ni Pangulong Marcos Jr. sa iba’t ibang bansa sa nakalipas na 16 na buwan.
Tinukoy ng PCO ang data mula sa Department of Trade and Industry (DTI), lumalabas na may kabuuang $72.2 billion sa investments sa iba’t ibang stages, bumubuo sa 148 proyekto ang naitala “as of December 2023.”
Sa nasabing inisyatiba, 46 proyekto na nagkakahalaga ng $14.2 billion o 20% ng kabuuang pledges, ang naisakatuparan na, ibig sabihin ay nag-ooperate na, o nakumpleto na ang proseso ng pagpaparehistro ng proyekto sa Investment Promotion Agencies ng DTI, o naikasa na ang implementasyon.
Para naman kay DTI Secretary Alfredo Pascual, sinabi nito na sa bawat presidential visit ng Pangulo ay nakikinabang ang ahensya.
(BERNARD TAGUINOD/CHRISTIAN DALE)
144