FERNANDO NAMAHAGI NG P28-M EMERGENCY CASH SA 5,496 BULAKENYO

LUNGSOD NG MALOLOS – Pinangunahan nina Gobernador Daniel R. Fernando at Bise Gob. Alex Castro ang pamamahagi ng emergency cash assistance sa 5,496 na Bulakenyo sa isinagawang “Emergency Cash Transfer sa mga Biktima ng Bagyong Egay at Habagat” na ginanap sa The Pavilion sa Hiyas ng Bulacan Convention Center noong Martes, Oktubre 24, 2023.

Umabot sa halagang P28,000,167 ang nasabing tulong pinansyal mula kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. at Kalihim ng Department of Social Welfare and Development Rex Gatchalian, na ipinamahagi sa mga Bulakenyo mula sa mga Lungsod ng Malolos, Baliwag, Meycauayan, at San Jose Del Monte, at mga bayan ng Hagonoy, Paombong, Balagtas, Bocaue, Santa Maria, Calumpit, Pandi, Plaridel, Angat, DRT, Norzagaray, San Ildefonso, Obando, at San Miguel.

Nagpasalamat naman si Fernando kina PBBM at Gatchalian sa kanilang pagbibigay suporta at umaasang magagamit ito nang tama ng mga benepisyaryo.

“Kaya po kami nandito ay upang makapagbigay ng tulong sa bawat isa sa inyo. Nawa ay magamit ito sa maayos na pamamaraan. Sana ay makatulong ito sa inyo, gamitin ninyo ito sa matalinong paggastos. ‘Yung iba ay gamitin ninyo sa pagnenegosyo at sa pang araw-araw na pangangailangan,” ani Fernando.

Ito ang unang personal appearance ni Fernando sa publiko mula nang mapabalitang na-ospital noong Setyembre 12.

Magpapatuloy ang Emergency Cash Transfer ngayong Huwebes, Oktubre 26, 2023.

(ELOISA SILVERIO)

180

Related posts

Leave a Comment