FINANCIERS NG RICE IMPORTERS HUHUBARAN NG MASKARA

NANINIWALA ang ilang mambabatas na may mas malalaking tao na nasa likod ng mga rice importer na nagpi-finance sa mga ito upang makapag-angkat sila ng mas maraming bigas na pinagkakakitaan nila nang husto.

Ayon kay Agap party-list Rep. Nicanor Briones, isa sa mga aalamin ng mga ito sa kanilang imbestigasyon kung sino ang financiers dahil may mga importer na P1 milyon lamang ang puhunan o kapital subalit nakapag-angkat ng bigas na nagkakahalaga ng P1 bilyon hanggang P5 bilyon.

“Mukhang ang nangyayari, maraming pinag-aapply ng import permit at pag naaprubahan may nagpi-finance. So ang totoong may-ari ay yung nagpi-finance at nagbibigay, sa pagkakaintindi ko nagbibigay ng P10 kada sako ng bigas (na inangkat) sa ginagamit na nagpapa-approved ng import permit,” paliwanag ni Briones.

Dahil dito, kailangan aniyang hanapin kung saan galing ang perang ginamit ng rice importers na walang kakayahan sa pag-aangkat ng bigas hanggang P5 bilyon.

Nakita rin aniya sa ikalawang pagdinig ng Quinta Committee na may kartel sa bigas dahil natuklasan na ilan sa mga kumpanyang nag-aangkat ng bigas ay pag-aari ng iisang pamilya lamang.

Dahil dito, kinastigo ni Deputy Speaker David Suarez ang Bureau of Plant and Industry (BPI) dahil nagbibigay ang mga ito ng import permit sa iba’t ibang kumpanyang na pag-aari lang ng isang pamilya kaya namamanipula ang presyo ng bigas.

“Bakit hindi nyo na tsinek? Hindi pwedeng ngayon i-review iyan eh tapos na ang nangyari tapos ngayon nyo gagawin ang trabaho nyo. Dapat nung nag-a-apply palang sila tsinek nyo na kaagad,” pagkastigo ni Suarez kay BPI Director Gerald Glenn Panganiban matapos nitong aminin na hindi nila inaalam kung sino ang mga may-ari ng mga kumpanyang binibigyan ng import permit.

Kahapon ay ipinagpatuloy ng Quinta Comm ang kanilang imbestigasyon sa pamamagitan ng executive session subalit nadismaya ang mga mambabatas dahil lalong yumaman umano ang mga rice trader lalo na ang importers dahil bukod sa P13 billion na natipid ng mga ito sa taripa dahil sa Executive Order (EO) 62 ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos ay bumaba ang gastos ng mga ito sa pang-aangkat.

2

Related posts

Leave a Comment