FOOD SECURITY DAPAT TUTUKAN

SAN PABLO, Laguna – Kung mayroon mang dapat asikasuhin ang pamahalaan, iyon ay ang isang komprehensibong programang magbibigay kasiguruhang may sapat na pagkain para sa bawat mamamayan.

Sa kanyang konsultasyon sa hanay ng mga coconut farmers na nakabase sa Laguna, partikular na inilatag ni Manila Mayor Isko Moreno ang isang Food Production Strategic Plan na siyang magiging sandigan at batayan sa paglalaan ng karampatang pananalapi sa mga ahensyang may mandatong kaugnay sa sakahan at pangisdaan.

Aniya, hindi sumasapat ang produksyon ng mga pangunahing pagkaing dapat sana’t pinopondohan ng mga kagawarang kabilang ang Department of Agriculture (DA), Department of Fisheries and Aquatic Resources na kanyang isinusulong, Department of Agrarian Reform (DAR) at iba pang ahensyang may direktang kaugnayan sa “food production.”

“Because food security is extremely important and we are not producing enough food for the most basic needs of our people. We must, starting 2022, have a FOOD PRODUCTION STRATEGIC PLAN, which will be the guide for the budget of all departments and other agencies directly involved in food production,” ani Moreno.

“Kasi ngayon, kada isang taon, pabagu-bago ang suporta sa agrikultura. Kailangan may food production plan. Kailangan may direksyon ang pag-gastos ng pamahalaan. At ito ang paghuhugutan ng 5-year medium term spending bilang suporta sa food production,” paliwanag pa ng alkalde, kasabay ng giit na magkaroon ng isang five-year plan na babalangkasin hindi lamang ng mga tanggapan ng pamahalaan kundi maging ng mga magsasaka, mangingisda at iba pang food production stakeholders.

Dagdag pa ni Moreno, hindi na dapat maulit ang shortage sa suplay ng karneng baboy bunsod ng African Swine Fever na aniya’y dahilan ng taas-presyong tinugunan lang  sa pag-angkat ng suplay mula sa ibang bansa.

“Hindi na pwede yung panaka-nakang mga interventions, tulad nangyari sa hog industry. Hindi naagapan ang pagpasok ng African Swine Fever. Nalugmok ang mga magbababoy, lalo na yung mga backyard hog raisers. Resulta nito, tumaas ng todo-todo ang presyo ng karne ng baboy. Tapos importasyon na naman ang madaliang solusyon,” diin pa niya.

“In short, there must be a directional strategy, supported by farmers, food processors, lahat ng kaukulang sektor, at dito naka-base ang budget ng pamahalaan bilang tulong sa magsasaka, mangingisda, tungo sa food security ng ating bansa,” hirit pa ng alkaldeng una nang nakipag-dayalogo sa iba pang mga magsasaka at mangingisda mula sa mga lalawigan ng Batangas, Tarlac, Pampanga, Nueva Vizcaya, Cebu, Bataan, Zambales, Oriental Mindoro, Laguna, Bulacan at Rizal.

Dapat din aniyang ipasa ng Kongreso ang National Land Use Act na nagtatakda ng three-year moratorium sa “conversion” ng mga lupang sakahang karaniwang ginagawang private subdivisions, golf course, at iba pang pasilidad na para lamang sa mga may pera.

Paglilinaw naman ng alkalde, hindi siya tutol sa pag-unlad, subalit kailangan aniyang isaalang-alang ang mga agrikultura, kalikasan at abot-kayang pabahay.

“I’m all for development, but not if it sacrifices our goals to food sufficiency. We must ensure that agricultural lands should stay as agricultural lands,” pahabol pa niya. (FERNAN ANGELES)

2

Related posts

Leave a Comment