(BERNARD TAGUINOD)
DUDA si Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas na magkaroon ng “foreign plunder” sa mga likas na yaman ng Pilipinas kapag natuloy ang pag-amyenda sa Saligang Batas.
Bukod dito, wala rin aniyang kasiguraduhan na bababa ang presyo ng public services kapag hawak na ito ng mga dayuhang negosyante.
“We object to this insidious orchestration to rewrite the Constitution, which dangerously opens the route to full-throttle foreign plunder,” ani Brosas.
Nangangamba naman si Liberal Party (LP) Congressman Edcel Lagman na malagay sa panganib ang patrimonya ng Pilipinas ngayong bukas na ang pintuan ng Senado para amyendahan ang 1987 Constitution partikular ang mga probisyon na may kinalaman sa ekonomiya.
Reaksyon ito ni Lagman kasunod ng pagpayag ni Senate President Juan Miguel Zubiri na magkaroon ng Charter change (Cha-cha) sa kondisyong tanging ang economic provisions ang aamyendahan.
Ayon sa mambabatas, makokontrol na ng mga dayuhan ang ekonomiya ng bansa sa sandaling bigyan ang mga ito ng 100 percent ownership sa public services tulad ng kuryente, tubig, edukasyon at iba pa.
“The victim will be the nation’s patrimony when sensitive enterprises like public service, education, media and advertisement will be open to alien control and domination,” pahayag ni Lagman.
Dismayado si Lagman dahil habang nasa gitna ng krisis ang sektor ng agrikultura, mataas na presyo ng mga bilihin, kakapusan ng pagkain, problema sa edukasyon, baon sa utang ang bansa at maging ang patuloy na pang-aangkin ng China sa West Philippine Sea (WPS) ay inuuna ang Cha-cha.
Ikinatuwa naman ni House ways and means committee chairman Rep. Joey Salceda na bukas na ang pintuan ng Senado sa Cha-cha dahil maaari na aniyang amyendahan ang economic provisions na hadlang sa pagpasok ng mga dayuhang negosyante.
“Opening up the conversation, rather than immediately closing the window for change, is necessary and urgent,” ani Salceda.
Walang Ibang Agenda
Samantala, tiniyak ni Senador Sonny Angara na hindi papayagan ng mga senador na masingitan ng ibang agenda ang pagtalakay sa pagbabago sa economic provisions sa Saligang Batas.
Si Angara ang mamumuno sa subcommittee ng Senate committee on constitutional amendments na tatalakay sa resolusyong nagsusulong ng pagbabago sa tatlong economic provision sa Konstitusyon.
Ayon kay Angara, naninindigan ang mga senador na limitado lamang sa tatlong usapin ang pagbabago sa saligang batas upang mapayagan ang foreign investment sa public services, educational institutions at sa advertising.
Kumpiyansa rin ang senador na mas maganda ang tsansa ngayon ng isinusulong na rebisyon sa konstitusyon dahil maaga pa sa kasalukuyang termino ng Pangulo.
Bukod dito, malinaw anya ang mga isinusulong na pagbabago gayundin ang paraan ng pagsusulong nito na magkahiwalay na pagtalakay at pagboto ng dalawang kapulungan subalit nangangailangan ng 2/3 votes ng Senado at Kamara.
Sinabi ni Angara na sa pagbabalik ng sesyon sa susunod na linggo ay pag-uusapan na nila ang resolusyon at nais niyang mag-imbita ng maraming resource person para sa mas malawak na pagtalakay.
Samantala, sinabi ni Sen. Robin Padilla na magandang balita para sa sambayanan ang inihaing resolusyon ni Senate President Juan Miguel Zubiri para sa pagbabago sa economic provisions ng Konstitusyon.
Umaasa ang mambabatas na ang hakbang na ito ay maging dahilan para sa pag-unlad ng bayan at ng mga Pilipino.
(May dagdag na ulat si DANG SAMSON-GARCIA)
115