FORENSIC EVIDENCES SA MISSING BEAUTY QUEEN PINOPROSESO NA

SINISIMULAN na ngayong iproseso ng mga Forensic Expert ng Philippine National police ang hinihinalang forensic evidences na nakalap mula sa Honda CRV na sinasabing pinaglipatan sa nawawalang beauty queen na si Catherine Camilon.

Ayon sa ulat, sinasabing may nadiskubreng mga hibla ng buhok at hinihinalang mga bahid ng dugo ang PNP Forensic group mula sa pulang CRV na sinasabing pinagsakyan kay Camilon.

Ayon kay PNP PIO chief, P/Col. Jean Fajardo, isinasailalim na ngayon sa proseso ng Regional Forensic group ang nakalap na forensic evidences.

Nabatid na nakikipag-ugnayan na rin ang CIDG Region 4-A sa pamilya ni Camilon upang makakuha ng DNA samples na pagkukumparahan sa nakolektang mga ebidensiya mula sa nasabing SUV.

Nasampahan na ng PNP-CIDG Regional Field Unit 4 sa Batangas Provincial Prosecutors’ Office, ng kasong kidnapping at illegal detention sina Police Maj. Allan Avena de Castro, Jeffrey Ariola Magpantay at dalawang “John Does” na sinasabing nasa likod ng pagkawala ni Camilon.

Sinasabing si De Castro ang umano’y katagpo ni Camilon bago siya iniulat na nawawala, base sa text messages ng beauty queen sa kanyang kaibigan.

Nabatid na si Maj. De Castro ay una nang ni-relieve sa kanyang tungkulin sa Police Regional Office Calabarzon at isinailalim sa restrictive custody.

Sinabi pa ni Fajardo, si Magpantay ang kinilala ng mga testigo na nakitang naglipat ng duguang babae mula sa isang Nissan Juke patungo sa pulang CRV na una nang narekober ng pulisya noong nakaraang linggo sa Batangas City.

Ang pagkawala ni Camilon na kumakatawan sa Batangas sa Miss Grand Philippines 2023 pageant, ay iniulat na nawawala noong Oktubre 12, 2023.

(JESSE KABEL RUIZ)

76

Related posts

Leave a Comment