GEN. BRAWNER KASAMA SA RESUPPLY BOAT NA BINOMBA NG TUBIG NG CHINA COAST GUARD

PERSONAL na naranasan ni Armed Forces of the Philippine Chief of Staff, General Romeo Brawner Jr. na gamitan ng water cannon at bombahin ng tubig ng China Coast Guard, nang sumama ang heneral sa huling Rotation and Resupply mission sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal nitong nakaraang Linggo.

Nabatid na nagbalatkayo at palihim na sumama si General Brawner at sumakay sa MB Unaiza May 1, isa sa dalawang Philippine Navy chartered resupply boat, para magtungo sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal, upang personal na ihatid din ang mensahe ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., upang itaas ang morale ng mga sundalong nakadestino roon.

Dahil dito, personal ding naranasan mismo ni Gen. Brawner ang pangha-harass ng China matapos tugaygayan mula pa noong madaling araw ng Linggo hanggang sa bombahin ng tubig ng China Coast Guard habang tinatahak ang BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.

Ayon kay Col. Xerxes Trinidad, kasalukuyang AFP Public Information Office chief, personal na inihatid ni Gen. Brawner ang mensahe ni Pangulong Marcos sa mga sundalo kung saan kinikilala niya ang sakripisyo at serbisyo ng mga ito na hindi nagpapatinag sa pagtupad ng kanilang misyon.

Sa kabila ito ng patuloy na panggigipit ng China sa mga barko ng Pilipinas na nagsasagawa ng resupply mission.

(JESSE KABEL)

100

Related posts

Leave a Comment