MULING isinusulong ni Senador Risa Hontiveros ang pagpapanagot at pagbabayad ng China sa pinsalang idinulot sa West Philippine Sea kasunod ng kumpirmasyon ng Philippine Coast Guard nasira ang mga coral reef sa Rozul Reef at Escoda Shoal dulot ng swarming ng Chinese maritime militia vessels.
Inihain din ni Hontiveros ang Senate Resolution 804 na kumokondena sa malawakang coral harvesting sa isla kaya’t hinimok ang kaukulang kumite sa Senado na magsagawa ng pagsisiyasat hinggil dito.
“We should seek payment for damages caused by China in the WPS. Aabot ng bilyon-bilyon ang makukuha natin kung maoobligang magbayad ang Tsina. Ninanakawan na nga nila ng hanapbuhay ang ating mga mangingisda, winawasak pa nila ang ating likas-yaman. Kung mabayaran ng Tsina ang lahat ng utang niya sa Pilipinas, siguradong makakatulong ito sa kinakaharap nating krisis sa ekonomiya,” saad ni Hontiveros.
Una na ring isinulong ni Hontiveros ang Senate Resolution 369 na nananawagan sa Ehekutibo na magsagawa ng ligal at diplomatikong paraan upang singilin ang China para tustusan ang COVID-19 response.
“This will not be the first time for us to seek reparations. Japan paid our country for her destruction of Manila during World War II, and in more recent history, the United States of America also paid the Philippines P87 million, after the USS Guardian damaged Tubbataha Reef in the Sulu Sea. May karapatan tayong maningil,” paliwanag ni Hontiveros.
Nakasaad din sa resolusyon na hindi kinukunsinti ng gobyerno ang patuloy na pinsala sa kapaligiran, ekonomiya, at seguridad na dulot ng mga paglusob ng China, at dapat tuklasin ang iba pang paraan upang panagutin ang China, kabilang ang claim for damages na isasampa sa Permanent Court of Arbitration.
(Dang Samson-Garcia)
203