GOBYERNO KINALAMPAG SA KABIGUAN NG REPORMANG AGRARYO

KINALAMPAG ng grupo ng mga magsasaka ang gobyerno dahil umano sa kabiguan nitong ipatupad ang tunay na repormang agraryo.

Sinabi ni Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) Chairperson Danilo Ramos na nabigo ang programa ng Department of Agrarian Reform (DAR) na Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) para sa pamamahagi ng lupa sa mga magsasaka dahil hindi naman napasakamay ng mga magsasaka ang kanilang sinasaka.

Sa isang panayam, sinabi ni Ramos na hindi nagkaroon ng tunay na repormang agraryo para sa mga magsasaka at ibinigay na halimbawa ang patuloy na pagmamay-ari ng malalaking lupain ng panginoong may lupa.

Ayon kay Ramos, isang halimbawa nito ang pagkabigo ng programa sa Timog Katagalugan, sa Tungkong Mangga, San Jose Del Monte, Bulacan at sa Hacienda Luisita sa Tarlac.

“Walang nangyaring tunay na agrarian reform simula nang ipatupad ng DAR ang CARP,” ani Ramos.

Kung hindi aniya naisanla ang lupa ng magsasaka, napasa kamay ito ng malalaking panginoong may lupa.

Nanawagan si Ramos na huwag nang ipagpatuloy ng DAR ang CARP na nagtapos ang programa noong June 30, 2014.

“Ang kailangan isulong ng gobyerno at ng DAR ay ang Genuine Agrarian Reform Bill (GARB) na magtitiyak ng tunay na repormang agraryo,” ayon pa kay Ramos.

Sinikap ng sumulat na makuha ang panig ng DAR hinggil sa pahayag ng KMP subalit nabigo itong makausap ang sinomang opisyal nito. (PAOLO SANTOS)

392

Related posts

Leave a Comment