GOVERNMENT EMPLOYEE PATAY SA SALPOK NG VAN

HINDI umabot nang buhay  sa Jose Reyes Memorial Medical Center ang isang 22-anyos na kawani ng gobyerno makaraang masalpok ng isang Toyota Hi-Ace van ang sinasakyan nitong motorsiklo sa panulukan ng M. Dela Fuente at P. Florentino Streets, Sampaloc, Manila noong Linggo ng madaling araw.

Idineklarang dead on arrival dakong alas-2:43 ng madaling araw ang biktimang si Nathan Rey Nulud, ng Sta. Cruz, Manila.

Samantala, sinampahan ng kasong reckless imprudence resulting in homicide and damage to property ang suspek na kinilalang si Jess Selosa, 53, ng Mabuhay Roxas, Oriental Mindoro.

Base sa ulat ni Police Major Jaime Gonzales, hepe ng Investigation Section ng Manila District Traffic Enforcement Unit (MDTEU), bandang alas-2:15 ng madaling araw nang mangyari ang insidente sa panulukan ng M. Dela Fuente at P. Florentino Streets sa Sampaloc.

Ayon sa imbestigasyon ni Police Chief Master Sergeant Ericson Calasan, tinatahak ni Nulud ang kahabaan ng Northbound ng M. Dela Fuente papatawid ng P. Florentino lulan ng Yamaha NMax.

Minamaneho naman ni Selosa ang Toyota Hi-Ace van sa kahabaan ng westbound ng P. Florentino patawid ng M. Dela Fuente.

Ngunit pagsapit sa kanto, sinalpok ng van ang motorsiklo kaya tumilapon ng ilang metro ang biktima.

Wasak ang unahan Toyota Hi-Ace van dahil sa lakas ng impact habang wasak din ang motorsiklo ni Nulud.

Mabilis na isinugod sa naturang ospital ang biktima ngunit idineklarang dead on arrival. (RENE CRISOSTOMO)

66

Related posts

Leave a Comment